(ABANTE) Marami sa hanay ng ating mga government employees na nakapagtapos sa kolehiyo ang nais pang mapalawig ang kanilang kaalaman at makakuha ng master’s degree. Ito ay hindi lamang para maging eligible sila sa promotion kundi para na rin po tumaas ang kalidad ng kanilang pagsisilbi bilang kawani ng gobyerno.
Ang isang balakid nga lamang ay ang mataas na singil sa matrikula ng mga paaralan. Maging sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ay umaabot sa P800 hanggang P2,000 per unit o P2,400 hanggang P6,000 para sa isang subject ang bayad sa tuition sa mga master’s degree courses. Bukod pa riyan ang gastusin para sa iba pang mga school fees.
Sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, ang libreng tuition sa mga SUCs ay para sa mga undergraduate programs po lamang, tulad ng mga bachelor’s degree. Ang mga graduate school o master’s degree programs ay hindi sakop ng batas na ito.
Kaya naman para matulungang ma-professionalize ang hanay ng ating mga government employees, tayo po ay nag-file ng panukalang batas na magkakaloob ng libreng tuition sa mga kawani ng gobyerno na kumukuha ng master’s degree sa mga SUCs.
Hindi lamang po ang mga government employees ang makikinabang sa panukalang batas na ito na nakapaloob sa ating nai-file na House Bill 8834. Maging tayong mga mamamayan ay makikinabang din dahil kung mas mataas ang kalidad ng edukasyon ng mga kawani sa gobyerno, makakatulong ito sa pagiging epektibo nila sa paglilingkod sa publiko.
Isang halimbawa na lamang po ay ang ating mga public school teachers. Marami sa kanila ang nagnanais na magkaroon ng master’s degree hindi lamang para ma-promote at tumaas ang sweldo, kundi para na rin mas mapabuti pa ang kanilang pagtututuro at paggabay sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Kung sila po ay may oportunidad lahat na makakuha ng master’s degree, hindi po ba ang mga anak at apo rin natin ang makikinabang? Tataas ang kalidad ng pagtuturo sa mga public schools at ang mga thesis o dissertation ng mga guro na nakapag-master’s degree ay maari pang makapag-ambag sa pagpapabuti ng kalidad ng ating educational system.
Noon pong tayo ay nakapanayam sa radyo para talakayin ang HB 8834, marami po ang nagpahayag ng suporta para maisabatas agad ito. Tulad nga ng sabi ng ating kaibigang si dating AGHAM Partylist Congressman Angelo Palmones sa kanyang radio program, marami pong matutuwang mga public school teacher sa ating panukalang batas.
Napakahalaga po ang tinatawag na continuing education o patuloy na paghahasa ng kaalaman sa panahong ito ng Digital Age. Napakabilis ng pagbabago ng teknolohiya at napakaraming bagong impormasyon. Dapat po ay makasabay din ang mga kawani ng gobyerno sa mabilis na pag-agos ng kaalaman sa Digital Age.
Sa kasalukuyan po, ang HB 8834 ay nabasa na sa First Reading sa Kongreso at nakahanay na pong talakayin sa House Committee on Higher and Technical Education. May nai-file na rin pong kahalintulad ng HB 8834 si Senator Jinggoy Estrada sa Senado.
Pagsisikapan po natin na maisabatas ang HB 8834 sa kasalukuyang Kongreso.
Ang pagsasabatas po ng bill na ito ay bilang pagsuporta sa pangarap ng maraming government workers na lumago ang kanilang kaalaman at umabante ang kanilang karera sa government service. Pagkilala rin po ito at pagbibigay pugay sa mga kawani ng gobyerno na walang sawang naglilingkod sa bayan.