(ABANTE) Inaprubahan sa committee level sa Senado ang panukalang batas ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magtatatag ng scholarship at return service program para sa mga nursing students sa bansa.
“Para sa mga nagnanais na makapagtapos ng kursong nursing ngunit wala silang pangtustos, ito na ang magiging kasagutan sa kanilang alalahanin sa gastusin. Kapalit ng scholarship grant ay ang paninilbihan nila sa kanilang pinagmulang bayan o probinsya,” sabi ni Estrada patungkol sa kaniyang inihaing Senate Bill No. 2342 o ang panukalang ‘Nars Para Sa Bayan Act’.
Ikinatuwa ni Estrada ang hakbang ni Sen. Francis Escudero, chairperson ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na aprubahan “in principle” ang SB 2342 sa isinagawang pagdinig nitong Lunes.
Ang panukalang Nursing Scholarship and Return Service Program (NSRS) ay magbibigay ng pinansyal na tulong sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa mga state universities and colleges (SUCs) o mga pribadong higher education institutions (HEIs) sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong Nursing. Sinasaklaw ng program ang halos lahat ng gastos ng mag-aaral.
Sa ilalim ng programang NSRS, tutustusan ng pamahalaan ang iba’t ibang bayarin gaya ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan maging ang pangangailangan sa pambili sa mga libro at kagamitan, uniporme, pambayad sa dormitory at transportasyon.
Bukod dito, magbibigay din ng karagdagang tulong pinansyal para sa bayarin sa nursing board review, licensure at internship, gayundin para sa taunang medical insurance at iba pang mga gastusing may kaugnayan sa edukasyon.
Inaatasan ang mga estudyanteng nasa ilalim ng NSRS na kumuha ng full load ng kanilang subjects sa bawat semester at kumpletuhin ang kurso sa loob ng itinakdang panahon ng SUC o HEI.
Bukod dito, kailangan silang kumuha ng board examination sa loob ng isang taon ng kanilang pagtatapos ng mandatory internship program at tuparin ang return service na nakasaad sa panukalang batas. (Dindo Matining)