(ABANTE) Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng 20 porsiyentong diskuwento sa travel tax ang mga senior citizen para pagaangin ang kanilang gastusin sa tuwing nanaisin nilang makapagbiyahe sa loob at labas ng bansa.
“Para sa mga kagaya ko na senior citizen na nais na makapag-travel sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa, malaking bagay kung may diskwento sa mga gastusin nila lalong lalo na sa mga binabayang buwis,” sabi ni Estrada.
“Para sa mga ordinaryong senior citizens, ang matitipid nila ay maaari nilang ipangtustos sa iba pa nilang mga bayarin,” dagdag pa niya.
Kung maaaprubahan, papalawakin nito ang Section 4 sa ilalim ng Republic Act No. 7432 na kilala rin bilang “An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other purposes” o ang “Senior Citizens Act.”
Pangunahing pakay ng panukalang ito na gawing mas abot-kamay at kasaya-saya ang pagbihaye ng mga senior citizen at bawasan ang mga gastusin nila lalo na’t limitado na ang kanilang kakayahan sa pananalapi at karamihan sa kanila ay mga retirado na sa trabaho.
Ayon pa kay Estrada, iminumungkahi niyang diskwento ay naglalayon na hikayatin ang mga senior citizen na magbiyahe, tuklasin ang mga bagong lugar at maranasan ang iba’t ibang kultura na maaaring makaambag pasa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay.
Aniya, ang paglalakbay ay nagpapalakas ng mga ugnayan at pakikilahok sa lipunan na mahalaga para sa mental at emosyonal na kapakanan ng mga senior citizen at sa kanilang patuloy na pakikilahok sa pambansang kaunlaran.
“Kung maisasabatas ito, hindi lang 20 percent at VAT exemptions sa room accommodations, discounts sa restaurants ang mapapakinabangan nila sa pagliliwaliw nila sa iba’t ibang sulok ng bansa,” sambit pa niya. (Dindo Matining)