(JOURNAL NEWS) NAGHAIN si Senador Jose Jinggoy Estrada ng isang panukalang batas na layong bigyan ng 20 porsyentong diskwento sa travel tax ang mga senior citizens para pagaangin ang kanilang gastusin tuwing nanaising makapag-byahe sa loob at labas ng bansa.
“Para sa mga kagaya ko na senior citizen na nais na makapag-travel sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa, malaking bagay kung may diskwento sa mga gastusin nila lalong lalo na sa mga binabayarang buwis.
Para sa mga ordinaryong senior citizens, ang matitipid nila ay maaari nilang ipangtustos sa iba pa nilang mga bayarin,” ani Estrada.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2379 na naglalayong bigyan ang mga senior citizens ng 20 porsiyentong diskwento sa travel taxes.
Kung maaaprubahan, papalawakin nito ang Section 4 sa ilalim ng Republic Act No. 7432 na kilala rin bilang “An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other purposes” o ang “Senior Citizens Act.”
Sinabi ni Estrada na ang iminumungkahi niyang diskwento ay naglalayon na hikayatin ang mga senior citizen na magbiyahe, tuklasin ang mga bagong lugar at maranasan ang iba’t ibang kultura na maaaring makaambag pa sa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay.
Binigyang-diin pa ng senador na ang paglalakbay ay nagpapalakas ng mga ugnayan at pakikilahok sa lipunan na mahalaga para sa mental at emosyonal na kapakanan ng mga senior citizen at sa kanilang patuloy na pakikilahok sa pambansang kaunlaran.
“Kung maisasabatas ito, hindi lang 20 percent at VAT exemptions sa room accommodations, discounts sa restawran ang mapapakinabangan nila sa pagliliwaliw nila sa iba’t ibang sulok ng bansa,” sabi ni Estrada.