Batas laban sa diskriminasyon sa mga katutubo itinutulak ni Jinggoy

(ABANTE) Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isang panukala na gawing iligal ang diskriminasyon sa pamamasukan sa trabaho ng mga miyembro ng mga grupong katutubo.

“Ang pigilan ang sinuman ng tao na mamasukan sa trabaho dahil sa kaniyang relihiyon o ethnic origin ay hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat maging batayan sa pagbibigay o pamamasukan sa trabaho ang pagkakabilang sa pangkat ng mga katutubo o pagkakaroon ng ethnic origin,” sabi ni Estrada sa paghahain ng kanyang Senate Bill No. 1026.

Bukod sa pagtiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho sa mga miyembro ng indigenous cultural communities, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resource Development na layon din ng kanyang panukalang batas na iangat mula sa kahirapan at tugunan ang hindi pantay na trato na kinakaharap ng mga katutubo.

Sa isang ulat na inilabas ng International Labor Organization (ILO) noong 2020, lumabas na ang mga katutubo ay tatlong antas na mas hirap sa pamumuhay kaysa sa mga hindi napapabilang sa kanilang komunidad.