(JOURNAL NEWS) IPINAPANUKALA ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na gawing iligal ang diskriminasyon sa pamamasukan sa trabaho ng mga miyembro ng mga grupong katutubo.
“Ang pigilan ang sinuman ng tao na mamasukan sa trabaho dahil sa kaniyang relihiyon o ethnic origin ay hindi katanggap-tanggap.
Sa isang ulat na inilabas ng International Labor Organization (ILO) noong 2020, tatlong antas na mas mahirap ang mga katutubo kumpara sa mga hindi napapabilang sa kanilang komunidad.
Upang matiyak ang pantay na oportunidad sa trabaho ng mga indigenous people, iminungkahi ni Estrada na bigyan prayoridad sa trabaho ang mga katutubo sa mga lugar kung saan karamihan sa kanila ay namumuhay o namamalagi.
Magiging labag sa batas para sa mga employer na tanggihan sila o i-discriminate sila sa mga usapin tungkol sa suweldo, kondisyon sa trabaho at promosyon o gamitin itong katwiran upang tanggalin sila, aniya.
Sa ilalim ng SB 1026, ipinagbabawal sa mga unyon ng manggagawa o pederasyon na ibukod o paalisin sa pagiging miyembro ang sinuman dahil sa kanilang relihiyon o ethnic origin, maliban na lang kung ang relihiyon o ethnic origin ay maka-aapekto sa pagpapatakbo ng Negosyo.
Papatawan ng multa na aabot sa P500,000 o pagkakakulong na hindi hihigit sa anim na taon ang sinuman na lalabag sa batas.
“Ang mga benepisyo at proteksyon na nakapaloob sa panukalang batas na ito ay ilan sa mga kinakailangang mekanismo upang ipatupad at magarantiya ang pagsasakatuparan ng mga karapatan ng mga katutubo at isaalang-alang ang kanilang mga kaugalian, tradisyon at values,” sabi ni Estrada.