(ABS-CBN) MAYNILA — Tiniyak ni Sen. Jinggoy Estrada nitong Lunes na hindi maapektuhan ng panukalang reporma sa military and uniformed personnel (MUP) retirement and pension system ang mga kasalukuyang retirees.
Ani Estrada, chairman ng Senate Committee on National Defense, hindi na sasaklawin ng repormang ito ang mga retirado na at matatanggap pa rin nila ang kanilang pensyon.
Sakaling maging ganap na batas, oobligahin na ang mga mga bagong pasok sa military service na mag-contribute para sa kanilang pension.
“Yung mga retirees na tumatanggap na ng pension under this current system hindi natin gagalawin yun… So safe sila,” pagtitiyak ni Estrada.
Plano ni Estrada na kausapin si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro at ang mga economic managers ng administrasyong Marcos.
Kasama aniya sa tatalakayin ang magiging kontribusyon ng mga apektadong stakeholders at nagkaroon na rin aniya ng roadshow ang mga economic managers ng administrasyon patungkol dito para ipaliwanag ang kanyang panukala.
Kung kinakailangan aniyang magkaroon pa ng panibagong hearing ay bukas naman siya dito pero sa ngayon ay maaari naman itong pag-usapan kasama ang lahat ng mga apektadong stakeholders.
Target ni Estrada na maging batas ang naturang panukala bago matapos ang taon.
Nilinaw naman ni Estrada na walang utos o hiling para dito ang Malacañang.