Senado pinarangalan 10 natatanging kasambahay ng Pilipinas

(ABANTE) Binigyan ng pagkilala ng Senado ang sampung natatanging kasambay ng Pilipinas para sa taong 2023 kasabay ng paggunita sa ika-10 taong anibersaryo ng Kasambahay Law.

Kasabay ng paglagda noon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng RA 10361, ang Domestic Workers Act or Batas Kasambahay, sampung taon na ang nakalipas, ay ang pagtatakda ng “Araw ng mga Kasambahay” tuwing ika-labing-walo ng Enero ng taon.

Ang mga pinarangalan ay sina Nanay Irma, Mama Emer, Mama Ghie, Mercy, Nanay Gagang, Nanay Eda, Jessa, Meralyn, Luzviminda at Aida.

Bilang punong may-akda at sponsor ng batas na ito, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na minarapat niyang gawing mas makabuluhan ang paggunita sa pagsasabatas nito sa pamamagitan ng pagbibigay parangal sa mga namumukod-tangi nating mga kaagapay sa pang-araw-araw nating pamumuhay.  

Sabi ni Estrada, Ipinamalas nila Nay Minda, Nanay Gagang, Mama Ghie, Irma at Mama Emer ang pagtayo bilang isang parang tunay na magulang sa mga anak ng kani-kanilang mga employer at sinuklian naman sila ng pagmamahal ng mga ito. 

Pinatunayan din umano ni Aida na hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan para makapanilbihan na kasambahay. Sa pagiging kasambahay rin ipinakita nila Nanay Eda, Jessa at Meralyn ang paraan para maiahon sa kahirapan ang sarili at kanilang mga mahal sa buhay.

Sabi pa ni Estrada, marami ang inuugnay ang Batas Kasambahay sa kaso ni Bonita Baran, ang domestic helper na tinulungan natin matapos mapabalita ang hindi makataong pagtrato at matinding pagmamalupit sa kanya ng kanyang mga employer.

Noong Hulyo 2021, kinatigan ng Supreme Court ang sintensyang pagkakakulong na 20 hanggang 40 years ng kanyang mga employers dahil sa salang serious illegal detention. 

“Ang kaso ni Bonita ay hindi lamang nagbunsod sa agarang pagpasa ng Batas Kasambahay. Nagsilbi rin itong litmus test sa pagpapatupad ng mga tuntunin sa tamang pagtrato ng ating mga katuwang sa pangangalaga sa ating pamilya,” ayon kay Estrada.

“Ipinagmamalaki ko na matapos maisapubliko ang karanasan ni Bonita, wala na halos tayong nabalitaan na kahalintulad na kaso ng pagmamalupit sa ating mga kasambahay sa bansa. Patunay ito na nabigyan natin ng ngipin ang mga umiiral na batas,” dagdag pa niya. -Dindo Matining/TNT Abante