(RMN) Ipinasasabatas ni Senator Jinggoy Estrada ang panukalang magtatag ng mga dialysis centers sa lahat ng pampublikong ospital upang matugunan ang tumataas na bilang ng mga nagkakasakit ng kidney diseases.
Hiniling ni Estrada sa Senado ang agad na pagapruba sa Senate Bill 800 o ang “Dialysis Center Act” kung saan ang lahat ng national, regional at provincial government hospitals ay aatasan na maglagay ng dialysis centers.
Ang mga nasabing dialysis centers ay kinakailangang mayroong kumpleto na mga kagamitan at dialysis machine at supplies.
Ang dialysis services dito ay ipinapanukalang gawing libre para sa mga mahihirap.
Ayon kay Estrada, ang pagkakaroon ng dialysis center sa mga lalawigan ay malaking tulong dahil karaniwang ang mga modernong medical equipment at facilities ay nakatuon lamang sa mga highly urbanized na lungsod at kinakailangan pang bumyahe ng mga kababayan na nasa malalayong lugar na dagdag gastos at oras para sa kanila.