(ONLINE BALITA) Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpasa ng batas para sa pagpapatayo ng dialysis centers sa lahat ng pampublikong ospital upang tugunan ang tumataas na bilang ng mga kaso ng sakit sa bato sa bansa.
“Ang mga modernong medical equipments at makabagong pasilidad ay nakatuon sa mga highly urbanized na lungsod. Dahil dito, ang mga pasyente sa kanayunan ay madalas na kailangan pa na bumiyahe sa malalayong lugar at nakakadagdag ito sa kanilang mga gastusin. Mabigat na pasaning pinansiyal ito na lalo pang nagpapahirap sa mga kapuspalad na mga pasyenteng nangangailangan ng regular na dialysis,” ani Estrada sa kanyang inihaing Senate Bill No. 800.
“Malaking kaluwagan sa bulsa, oras at iba pang alalahanin ng pasyente at kanilang pamilya kung may dialysis ward o centers sa lahat ng pampublikong ospital sa mga probinsya at gawing libre ito sa mga mahihirap,” sabi ni Estrada.
Ipinapanukala rin nito na gawing libre sa mga mahihirap na pasyente ang dialysis services.
Sa inihain ni Estrada na “Dialysis Center Act,” ang lahat ng national, regional at provincial government hospitals ay aatasan na maglagay ng dialysis centers sa loob ng dalawang taon matapos maging ganap na batas na ang panukalang SBN 800.
Ang mga nasabing dialysis centers ay kinakailangang mayroong kumpleto na mga kagamitan at dialysis machine at supplies.
Sa pinakahuling datos mula sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang sakit sa bato ay ikapitong pangunahing dahilan ng kamatayan sa mga Pilipino.
Kada oras, isang Pilipino ang nagkakaroon ng chronic renal failure o humigit-kumulang 120 Pilipino kada milyong populasyon taun-taon.
Ayon pa sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), humigit-kumulang 2.3 milyong Pilipino ang kasalukuyang may Chronic Kidney Disease (CKD).
Noong 2016, mahigit 36,000 pasyente ang sumailalim sa dialysis treatment, na nagpapakita na nasa 15% ang itinataas ng bilang ng mga pasyente sa loob ng isang taon.
Ayon sa beteranong mambabatas, patunay ang mga datos sa lumalalang problemang kinakaharap sa healthcare system ng bansa at ang pangangailangan na labanan ang pagtaas ng Chronic Kidney Disease (CKD).blob:https://jinggoyestrada.ph/a4bf6f3a-f422-48f1-9643-25907a291038
“Dahil dito, ang mga policymakers, healthcare providers at ang public ay dapat maging mas maalam sa sitwasyon at kumilos upang ito’y matugunan. Sa pamamagitan nito, posible na maibsan ang problema sa tumataas na kaso ng CKD,” sabi pa ni Estrada.