Libreng gamot para sa mahihirap sa pampublikong ospital, ipinanukala ni Sen. Jinggoy

(ONLINE BALITA) Naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na nag-uutos sa lahat ng local government units (LGUs) na maglaan ng bahagi ng kanilang national tax allotment upang gawing libre ang mga gamot para sa mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

Sa kanyang Senate Bill No. 1029, iminungkahi ni Estrada ang paglalaan ng mga LGUs ng bahagi ng kanilang National Tax Allotments (NTA) para tustusan ang pamamahagi ng mga libreng gamot sa mga pampublikong ospital, klinika at iba pang establisyimento para sa mga mahihirap o indigent patients sa kanilang komunidad.

“Kadalasang libre ang konsultasyon at hospitalization sa mga pampublikong ospital, health care centers o clinics. Pero nawawalan naman ng saysay ang pagkonsulta nila sa mga doktor o pagpapagamot dahil sa kakapusan sa pambili ng mga inireseta sa kanila na mga gamot,” ani Estrada

Sa ilalim ng Section 284 ng Republic Act No. 7160 o mas kilala bilang Local Government Code, may karapatan ang mga lokal na pamahalaan sa 40% sa pambansang buwis na kita o ang Internal Revenue Allotment (IRA), na ngayon ay tinatawag ng NTA.

Ang NTA ng mga LGUs ay mabilis na mapagkukunan ng pondo para sa libreng mga gamot para sa kapakinabangan ng indigent patients sa kanilang lokalidad.

Base sa mga pag-aaral, ang presyo ng mga gamot sa bansa ay mas mahal ng lima hanggang 30% kumpara sa ibang bansa sa Asya kaya hindi madali para sa mga indigent patients na makabili ng mga kinakailangang gamot.

Para matiyak ang access sa libreng gamot ng indigent patients, nais ni Estrada na maglagay ng pharmacy o botika ang mga pampublikong ospital o klinika para sa pamamahagi ng mga ito.

Sinabi pa ni Estrada na ang mga LGUs, lokal na departamento ng social welfare, at mga opisyal ng barangay ay dapat magtukoy at magpanatili ng listahan ng mga indigent patients para masiguro na ang mga libreng gamot ay wastong maipapamahagi sa mga nararapat na benepisyaryo.

Sa sandaling maging batas, mahaharap sa parusang dalawa hanggang pitong taon na pagkakakulong ang ipapataw laban sa mga magtatangka na gumawa ng listahan o mag-isyu ng sertipikasyon sa mga pekeng indigenteng pasyente.

Habang ang parehong parusa ay ipapataw laban sa mga sangkot sa mga irregularidad at ang parehong parusa ay ipapataw laban sa mga sangkot sa mga irregularidad sa pagbili at pamamahagi ng mga libreng gamot.