Jinggoy ipinanukala libreng gamot para sa mga purdoy sa pampublikong ospital

(ABANTE) Itinutulak ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isang panukalang batas na nag-uutos sa lahat ng local government units (LGUs) na maglaan ng bahagi ng kanilang national tax allotment upang gawing libre ang mga gamot para sa mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

“Kadalasang libre ang konsultasyon at hospitalization sa mga pampublikong ospital, health care centers o clinics. Pero nawawalan naman ng saysay ang pagkunsulta nila sa mga doktor o pagpapagamot dahil sa kakapusan sa pambili ng mga inireseta sa kanila na mga gamot,” sabi ni Estrada.

Sa kanyang Senate Bill No. 1029, iminungkahi ni Estrada ang paglalaan ng mga LGU ng bahagi ng kanilang National Tax Allotment (NTA) para tustusan ang pamamahagi ng mga libreng gamot sa mga pampublikong ospital, klinika at iba pang establisyimento para sa mga mahihirap o indigent patients sa kanilang komunidad.

Sa ilalim ng Section 284 ng Republic Act No. 7160 o mas kilala bilang Local Government Code, may karapatan ang mga lokal na pamahalaan sa 40% sa pambansang buwis na kita o ang Internal Revenue Allotment (IRA), na ngayon ay tinatawag ng NTA. Ang NTA ng mga LGU ay mabilis na mapagkukunan ng pondo para sa libreng mga gamot para sa kapakinabangan ng indigent patients sa kanilang lokalidad.