Jinggoy: West PH Sea gamitin sa pagkakaso vs China

(ABANTE) Mariing tinutulan ni Senador Jinggoy Estrada ang rekomendasyon na gamitin ang terminong Sea of Asia sa pagtukoy sa West Philippine Sea.

Paliwanag ni Estrada, chairman ng Senate Committee on National Defense, ang West Philippine Sea ay isang geopolitical designation ng pamahalaan at alternatibong pangalan sa bahagi ng South China Sea na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa kung saan may territorial at maritime claims ang Pilipinas sa nasabing rehiyon.

“Ang katagang ito ay sumasalamin sa legal na pag-angkin natin sa teritoryong ito. The Hague-based UN-backed Permanent Court of Arbitration ruled overwhelmingly in our favor in determining China’s claims as unlawful,” sabi ni Estrada sa isang statement.

Nauna nang iminungkahi ni Justice Secretary na tawaging Sea of Asia ang pagtukoy sa West Philippine Sea o di kaya’y sa South China Sea kaugnay ng isasampang reklamo environmental crimes ng pamahalaan laban sa China.

Tiwala naman si Estrada na pinag-aralang mabuti ng pamaahlaan ng isasampang kaso ng gobyerno sa China kaugnay ng pagkasira ng mga coral o bahura sa West Philippine Sea.

“Malaki ang tiwala ko na masusing pinag-aralan ang kasong planong isampa laban sa China sa pagsira ng corals at iba pang diumano’y environmental crimes sa West Philippine Sea at kasama na dito ang kaso na naipanalo na natin noong 2016,” dagdag pa niya.

Dagdag pa niya, wala ring makakapaigil sa gobyerno na paghahain ng kasong legal laban sa China lalo na’t nakabatay ito sa international laws at agreement tulad United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“What is at stake here transcends territorial claims and disputes, it’s the environmental degradation and destruction by China, a violation of an obligation under the UNCLOS to protect and preserve the marine environment,” ani Estrada.