Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act, titiyak sa sapat na mga defense assets at hardware para sa bansa – Senador

(BOMBO RADYO) Umarangkada sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na naglalayong buhayin ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) program ng bansa.

Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada, nagsulong ng Senate Bill No. 2455 na kilala bilang SRDP Bill o Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act, na ang panukala ay naglalayong tiyakin ang sapat na mga defense assets at hardware para sa bansa sa pamamagitan ng domestic production at manufacturing, development ng national defense industry.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na katuwang din na nagsulong sa panukala, na bagama’t mahalaga na mabigyan ang Department of National Defense (DND) ng tamang badyet para sa procurement, kailangan ding bumuo ng self-reliant defense posture.

Aniya, sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay umaasa lamang sa ibang mga bansa sa kung ano ang maaari nilang i-produce, kung ano ang kanilang handang ialok, at kung anong mga termino ang maaari nilang ialok sa atin ng kanilang kagamitan.

Una rito, sinabi ng Department of National Defense sa mga public hearing na pinamunuan ni Estrada, na ang karamihan sa mga defense acquisition ng bansa ay ginagawa sa pamamagitan ng government-to-government procurement.