Dadaan sa butas ng karayom

(ABANTE) Magaan na nakalusot sa nakaraang hearing ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Gilberto Teodoro bilang kalihim ng Department of National Defense (DND). Isa sa nag-endorso ng kumpirmasyon ni Teodoro ay si Senador Jinggoy Estrada.

Sabi ng chairman ng Senate committee on national defense, impressive ang credentials ni Teodoro bilang three-term legislator sa Kamara de Representantes. Bukod pa riyan, isa siyang bar topnotcher, business executive, licensed commercial pilot, Air Force colonel, constitutionalist at human rights advocate, 45-caliber expert, dedicated public servant at two-time Defense Secretary.

Susunod namang sasalang sa makapangyarihang CA si Health Secretary Teodoro Herbosa. Hahawakan ng health panel ng CA ang nominasyon niya. Dito siya posibleng gisahin ng mga senador at kongresista.

Lahat ng dossier tungkol kay Herbosa ay isinusumite sa CA at kung may oppositor, binibigyan ito ng pagkakataon para magsalita tungkol sa reklamo nila sa nominee.

Para kang nag-a-apply ng clearance sa National Bureau of Investigation (NBI). Kapag may red flag at may arrest order laban sa iyo, huli ka balbon!

Pero ano itong nababalitaan ko tungkol kay Herbosa na may perpetual disqualification daw ito? Aba’y kung totoo yan, bakit nakaupo siya ngayon sa DOH bilang secretary? Makita kaya ito ng 13 senador at 12 kongresistang miyembro ng CA? Malamang na maungkat ito dahil lahat ng baho ng nominee ay kinakalkal ng CA.

Sa Google pa lamang, marami ka nang makikitang kontrobersya tungkol kay Herbosa. Noong siya ay executive vice president ng University of the Philippines (UP), nag-share siya ng rape joke sa Facebook. Binoldyak siya tuloy ng Office of Faculty Regent, Student Regent at Staff Regent.

Nandiyan din ang isyu na nag-tweet siya ng “death by community pantry”. Tungkol ito sa isyu ng pagkamatay ng isang senior citizen habang pumipila sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin.

Kinuyog noon si Herbosa ng mga netizen dahil sa pagiging insensitive umano nito. Dahil sa kanyang pagiging taklesa, napilitan itong magbitiw sa kanyang posisyon sa UP.

Nasita rin siya ng DOH noong 2020 nang mag-post ng fake news sa social media tungkol sa mga maaaring gawin ng tao kapag dinapuan ng COVID-19.

Ito pa lang yung mga nasa ibabaw o lantad na isyu laban kay Herbosa. Paano kung mayroon pang mga nasa ilalim o nakatago na hindi pa nalalantad sa publiko?

Maraming senador na magagaling magkalkal ng baho ng isang nominee. Hindi lang ang miyembro ng minority sa CA kundi pati mula sa majority. Trabaho nila na hubaran ang mga itinatago ng nominee tulad ni Herbosa. Tiyak na dadaan sa butas ng karayom ang kanyang appointment.