(ABS-CBN NEWS) MAYNILA – Nais paimbestigahan ni Sen. Jinggoy Estrada sa Senado ang nangyaring insidente ng “road rage” sa Quezon City noong Agosto 8 na nauwi sa pamamatok at pagkakasa ng baril ng isang dating pulis laban sa nakaalitan nitong siklista.
Sa kanyang manifestation sa sesyon ng Senado, sinabi ni Estrada na dahil sa tulong ng social media, natunton ang naturang dating pulis na nakilalang si Wilfredo Gonzales pero mistulang ang mga vloggers pa ang nasisisi sa bandang huli.
“Bakit sa kanyang presscon na mukhang inisponsoran at binack-up-an pa ng kanyang mga kabaro sa PNP, ay mga vloggers at netizens pa ang sinisisi dahil na-expose ang maling gawain niyang ito? Had this issue not surfaced, mababaon na lamang ito, maaagrabyado ang publiko, at malamang maulit pa sa iba. We must not accept this culture of impunity to continue especially on our public roads. Clearly, Mr. Gonzales is a danger to the cycling, commuting, or riding public,” sabi ni Estrada.
Ayon kay Estrada, nais lamang niyang mabigyan nang karagdagang proteksyon ang mga siklista, mga motorcycle rider at ang riding public laban sa mga ganitong uri ng road rage.
Sabi ni Senate President Sen. Juan Miguel Zubiri, mabuti na lang at nakuhanan ng video ng netizen ang pangyayari at mas makabubuti aniyang maturuan ng leksyon ang mga ganitong uri ng tao na nasasangkot sa road rage.
“We should prohibit this type of road rage in our society because grabe na ito…buti nakunan ‘to ng video- Im sure araw-araw may ganitong klase ng road rage and we should teach these people lesson kung ano ba ang puwedeng isampa na kaso sa kanila,” dagdag ni Zubiri.
Sakaling umusad ang imbestigayon, mapupunta ito sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nauna nang sinabi ni Dela Rosa na hindi na dapat pang payagang magdala ng baril si Gonzales.
“Dapat hindi maghahawak ng baril yung tao na yun diba…’bat kailangan bang tutukan ng baril kung galit ka sa tao? puwede mo namang sigawan…eh kung ako yung kinasahan ‘nya – nabaril ko siya. Dahil ‘pag nakita kong kinasahan ako, babarilin talaga kita dahil may intensiyon kang barilin ako. Kawawa siya,” aniya.