Jinggoy: Bigyang halaga ang serbisyo, kontribusyon ng mga bayani

(ABANTE) Nanawagan si Senador Jinggoy Estrada sa mga Pilipino na bigyang pugay ang magiting na pagsisikap at kabayanihan ng mga military veteran ng bansa kasabay ng pagdiriwang ng National Heroes Day.

Ikinagagalak ni Estrada na ang paggunita sa mga bayani ng bansa ay kasabay ng pagpasa ng mga batas na nagdadagdaga ng disability pension ng mga beterano.

“This law isn’t just a legal achievement, it’s a way to show our appreciation for their service and a reminder that their contributions to our country are highly valued,” sabi ni Estrada, chair ng Senate committee on national defense.

“Nakakalimutan natin minsan na tayo mismo ay may kakayahan na maging bayani. Hindi kinakailangang maging kilala sa buong mundo upang makatulong sa kapwa o maglingkod sa bayan,” sambit pa niya.

Sa pagdiriwang ng araw na ito, sinabi ni Estrada na “isabuhay natin sa diwa ang mga bayani, hindi lang sa papel kundi sa pagpapakita ng tunay na malasakit sa bayan at kapwa”.

“Isang taos-pusong pasasalamat sa ating mga bayani at sa mga ordinaryong Pilipinong nagpapakita ng pambihirang katapangan, pakikiramay at pagkakawanggawa.”

“Nawa’y maging inspirasyon at ehemplo tayo sa mga susunod na henerasyon,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)