(SMNI NEWS) BILANG tugon sa nakababahalang kaso ng pang-aabuso na sinapit ng kasambahay na si Elvie Vergara, nangako si Senator Jinggoy Ejercito Estrada na kaniyang gagawin ang lahat para panagutin ang mga amo nito sa umano’y marahas at hindi makataong pagtrato sa biktima.
“Walang puwang sa lipunan ang mga taong pinagsilbihan ni Elvie ng anim na taon. Sakali man na mayroong nagawang pagnanakaw ang pinagbibintangang kasambahay, legal na aksiyon o karampatang hustisya ang dapat manaig. Hindi dapat natin inilalagay ang batas sa ating mga kamay,” ani Estrada, ama ng Batas Kasambahay Act o ang Republic Act No. 10361.
Sa panayam ni Estrada kay Vergara sa kaniyang online show na “JingFlix” na ginanap noong Biyernes, Agosto 18, nangako ang senador na siya ay magbibigay ng tulong-legal at pinansiyal sa biktima. Tiniyak din niyang tutustusan ang gastusin sa operasyon sa mata nito.
Nagpahayag ng pagkasuklam ang batikang mambabatas, na siyang nag-akda sa landmark legislation na RA 10361 mula pa noong 2004 hanggang maging ganap itong batas noong 2013, sa diumano’y dinanas ng biktima sa kamay ng kaniyang mga amo.
“Pinagbibintangan po na nagnakaw ng cash na P12,000 at relo na nagkakahalaga ng P15,000. Naglalagay din daw po siya ng kung anu-ano sa pagkain nila,” kuwento ni Babylou, kapatid ng biktima, kay Estrada nang tanungin nito kung ano ang maaaring naging rason ng mga amo ni Elvie para ito ay saktan.
Bilang tagapagtanggol ng karapatan ng mga manggagawa at katarungang panlipunan, siniguro ni Estrada na gagamitin ng Senado ang legislative powers nito para siguruhin na mabibigyan si Vergara ng hustisya at ng patas na imbestigasyon sa kaso matapos nitong malaman na wala pa ring pormal na kaso na isinasampa ang mga owtoridad laban sa mga amo ng kasambahay.
“Ako mismo ang magpa-follow up sa mga awtoridad para mahuli itong mga employers ni Elvie,”ani Estrada, na inihalintulad ang kaso nito sa naging sitwasyon ng kasambahay na si Bonita Baran, na nabulag dahil sa pang-aabuso ng kaniyang mga amo.
Si Estrada ang nangasiwa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng kaso ni Baran noong 2012 na naging daan para mapabilis ang pagsasabatas ng RA 10361 o ang Domestic Workers Act na nagtatakda ng mga patakaran para sa proteksiyon at kapakanan ng mga kasambahay.
Hinatulan ng Korte Suprema ang mag-asawang employer ni Baran na sina Reynaldo at Anna Liza Marzan ng 40 taong pagkakakulong dahil sa krimen na serious illegal detention.