(ABANTE) Nangako si Senador Jinggoy Ejercito Estrada gagawin niya ang lahat para panagutin ang mga amo nito sa umano’y marahas at hindi makataong pagtrato sa kasambahay nilang si Elvie Vergara.
“Sakali man na mayroong nagawang pagnanakaw ang pinagbibintangang kasambahay, legal na aksyon o karampatang hustisya ang dapat manaig. Hindi dapat natin inilalagay ang batas sa ating mga kamay,” sabi ni Estrada, ama ng Batas Kasambahay Act o ang Republic Act No. 10361.
“Walang puwang sa lipunan ang mga taong pinagsilbihan ni Elvie ng anim na taon,” dagdag pa niya.
Sa panayam ni Estrada kay Vergara sa kanyang online show na “JingFlix”, nangako ang senador na siya ay magbibigay ng tulong legal at pinansiyal sa biktima. Tiniyak din niyang tutustusan ang gastusin sa operasyon sa mata nito.
“Pinagbibintangan po na nagnakaw ng cash na P12,000 at relo na nagkakahalaga ng P15,000. Naglalagay din daw po siya ng kung anu-ano sa pagkain nila,” kwento ni Babylou, kapatid ng biktima, kay Estrada nang tanungin nito kung ano ang maaaring naging rason ng mga amo ni Elvie para ito ay saktan.
Tiniyak naman ni Estrada na gagamitin ng Senado ang legislative powers nito para siguruhin na mabibigyan si Vergara ng hustisya at ng patas na imbestigasyon sa kaso matapos nitong malaman na wala pa ring pormal na kaso na isinasampa ang mga awtoridad laban sa mga amo ng kasambahay.
“Ako mismo ang magpa-follow up sa mga awtoridad para mahuli itong mga employers ni Elvie,” ani Estrada, na inihalintulad ang kaso nito sa naging sitwasyon ng kasambahay na si Bonita Baran, na nabulag dahil sa pang-aabuso ng kanyang mga amo.
Si Estrada ang nangasiwa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng kaso ni Baran noong 2012 na naging daan para mapabilis ang pagsasabatas ng RA 10361 o ang Domestic Workers Act na nagtatakda ng mga patakaran para sa proteksyon at kapakanan ng mga kasambahay.
Hinatulan ng Korte Suprema ang mag-asawang employer ni Baran na sina Reynaldo at Anna Liza Marzan ng 40 taong pagkakakulong dahil sa krimen na serious illegal detention. (Dindo Matining)