(ABANTE) Aatasan ni Senador Jinggoy Estrada ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpaliwanag hinggil sa inulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa 95 porsiyentong employment rate sa bansa.
“I will have to consult with the officials of DOLE and I will ask my staff to get the stat,” pahayag ni Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, sa isang press conference.
Ayon sa senador, maaaring nagkaroon ng improvement sa employment rate sa bansa pero duda siya na aabot iyon sa 95%.
“‘Yong employment rate siguro nag-improve naman pero I don’t think it is that high. I still don’t want to comment kasi ‘di ko alam ang data,” sambit ni Estrada.
Ipinagtataka rin niya na ang datos ng employment rate ay nanggaling sa Philippine Statistics Authority (PSA) na dapat sana’y magmumula sa DOLE. “It should come from DOLE not from PSA kasi ang nakakaalam DOLE,” ani Estrada. (Dindo Matining)