(JOURNAL NEWS) DESIDIDO si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na itaguyod ang pagbalangkas ng mga batas na magsisiguro ng pantay na oportunidad, magbibigay proteksyon sa karapatan ng marginalized groups at ibsan ang malaking agwat sa antas ng kabuhayan sa Second Regular Session ng kasalukuyang 19th Congress.
“Sa bawat bill na tatalakayin sa ilalim ng Committee on Labor, pati na ng Committee on National Defense, sisiguruhin natin na masusi nating pag-aaralan ito para matiyak na hindi makokompromiso ang interes at tiwala ng publiko,” sabi ni Estrada.
Si Estrada ang pangunahing may-akda at tagapagtaguyod ng dalawang makabuluhang panukalang batas noong First Regular Session. Ito ay ang Senate Bill No. 1480 o ang panukalang pagtataas disability pension ng mga beterano at ang pag-amyenda sa fixed terms ng mga pangunahing opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nilagdaan bilang Republic Act (RA) 11939.
Kasama rin si Estrada bilang co-author ng RA 11934 o ang SIM Card Registration Act at RA 11935, ang batas na nagpaliban December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, RA 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act at RA 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act.
Ang SB 1480, isang landmark legislation na magbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga beteranong may kapansanan at kanilang mga benepisyaryo matzos ang halos 30 taon ay inaasahang ipapasa na sa Malacañang sa lalong madaling panahon para pirmahan ni Pangulong Marcos Jr.
Nakapaghain si Estrada noong nakaraang taon ng kabuuang 275 bills at resolutions bilang author at co-author kung saan 19 na panukalang batas ang naaprubahan sa ikatlong pagbasa, 18 sa ilalim ng ikalawang pagbasa at 63 ang pinagtibay na mga resolusyon.
Sa kanyang unang taon ng panunungkulan sa kasalukuyang 19th Congress, umabot P34.3 milyon ang medical assistance program ni Estrada para 1,159 na pasyente sa buong bansa.
Nakapaghatid din ng tulong na aabot sa P25 milyon sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged-Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tagapangulo ng Senate Committee on Labor and Employment para sa halos 6,000 na benepisyaryo. Ang TUPAD ay isang community-based assistance na nagbibigay ng emergency employment para sa displaced workers, under employed at seasonal workers.
Sa kanyang pagbabalik sa Senado matapos ang halalan noong Mayo 2022, pinangasiwaan ni Estrada ang pamamahagi ng tulong sa 6,588 benepisyaryo sa buong bansa na umabot sa mahigit P16.2 milyon na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), isang programang nagbibigay tulong sa mga indibidwal at pamilya na apektado ng hindi inaasahang krisis.
“Hindi lamang pagbabalangkas ng mga kinakailangang reporma sa mga umiiral na batas ang pagtutuunan natin sa Second Regular Session. Magpapatuloy din ang pag-aabot natin ng financial at medical assistance sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong,” ani Estrada.