(ABANTE) Isiniwalat ni Senador Jinggoy Estrada na simula sa 2024, maaaring makaltasan na ang sahod ng mga sundalo at pulis upang mapondohan ang kanilang pension system.
Sinabi ito ni Estrada dahil sa katapusan ng 2023 posibleng maisabatas ang panukala sa reporma sa military and uniformed personnel (MUP) pension system.
“Siguro by the end of the year mayroon na tayong bagong MUP reform bill,” paglalahad ng senador.
Aniya, maaaprobahan sa Senate committee on national defense and panukala at ang pagtatalunan na lang ay kung ilang porsyento ang ibabawas sa suweldo ng mga sundalo at pulis.
Ipinanukala ng technical working group na 5% hanggang 9% ang ikaltas sa sahod ng mga sundalo at pulis pero dadaan pa ito sa konsiderasyon ng mga senador.