Immigration officer ginisa sa Senado ukol sa umano’y human smuggling

(ABS-CBN) MAYNILA — Ginisa sa Senado nitong Lunes ang isang Bureau of Immigration (BI) official na kinukuwestiyon dahil umano sa isang kaso ng human smuggling sa NAIA noong Pebrero 13.

Sa ikalawa at huling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa isyu, humarap ang Immigration officer na si Jeff Pinpin, na nakuhanan sa cellphone video habang nasa NAIA Balabag ramp ang eroplano na sinakyan ng mga foreign nationals kahit off duty na ito.

Sa pagdinig, sinabi ni BI commissioner Atty. Norman Tansingco na relieved o inilipat na pala ng puwesto si Pinpin noong Pebrero 9 o apat na araw bago mangyari ang insidente.

Mismong si Pinpin pa anya ang nag-request na mailipat sa Intelligence division sa Region 4 dahil sa kanyang problema sa kalusugan.

“When we got the information he assumed only in February 15 and he was seen in tarmac on Feb. 13 we immediately issued to him a show cause order to explain why he was there,” ani Tansingco.

Nagpaliwanag naman si Pinpin.

“
Erroneously, I was in the assumption habang hindi ako nakapag-assume doon sa bagong office sa regional intelligence office I was still then deputy chief of monitoring of port operation division,” aniya.

Tanong naman ni Jinggoy Estrada: “You decided on your own?”

“Noong nandoon po kasi ako, noong nag-turn over na po ako, during that time sir wala pa po akong kapalit noon, sir, I was in the assumption that I was still functioning duties and responsibilities as deputy chief for monitoring,” ani Pinpin.

Kuwento pa ni Pinpin, nalaman niya sa Viber group na may problema kaya nakialam na siya.


Giit ng chairman ng komite na si Sen. Francis Tolentino, malinaw na may paglabag na ginawa si Pinpin.

“You are not doing any routine work that day because you were already relieved February 9,” ani Tolentino.

Dahil sa nangyari, nasa floating status na muna si Pinpin habang iniimbestigahan ng BI.

Giit naman ni Sen. Grace Poe, dapat may makasuhan sa insidente.

“
It’s nothing personal to the officers concerned. We are doing this to also protect the institution that you are supposed to be protecting. If nobody’s liable here, kung hindi kayo makakasuhan, mas lalong lalakas ang loob ng iba na gumawa ng mga bagay na hindi nyo dapat gawin,” ani Poe.

Samantala, inalis na rin sa airport duty at inilipat sa ibang tanggapan ang Immigration officer na nanghingi umano ng yearbook sa isang pasahero.

Sabi ni Tansingco, itinanggi ng immigration officer na humingi siya ng yearbook.

Pinatitingnan naman ni Poe sa NAIA ang kopya ng kanilang CCTV para makita kung gaano ba talaga katagal sa Immigraiton counter ang na-offload na pasahero.

Bilang paghahanda naman sa dagsa ng mga pasahero sa Holy Week, mag-a-airport duty rin ang mga tauhan ng BI main office.