Hazing bawal sa mandatory ROTC bill – Jinggoy

(NET25) Mahigpit na ipinagbabawal ang hazing at anumang criminal acts sa ilalim ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC). Ito ang pahayag ni Senator Jinggoy Estrada kasabay ng pagtitiyak na nakapaloob sa panukalang mandatory ROTC ang pagpapataw ng maximum penalty kung masasangkot sa hazing. Iminungkahi ni Estrada na dapat mahigpit na ipatupad ang Anti-Hazing Law at tiyakin na may paglalagyan sa kulungan ang mga gumagawa nito. Giit ng senador na ang purpose at tungkulin ng ROTC ay sanayin ang mga kabataan sa mga kinakailangang skills hindi lamang sa militar na aspeto kundi pati na rin sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad. Ipinunto pa ni Estrada, ang disiplina at tamang pag-uugali na nakapaloob sa mga pagsasanay ay magagamit at malaking tulong sa aspeto ng buhay ng mga estudyante. Sakaling maging batas, siniguro ni Estrada na hindi mangyayari at hindi papayagan ang pagsasagawa ng hazing sa ROTC program.