NAIA isalba sa pambansang kahihiyan

(ABANTE) Maghahain si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng panukala para imbestigahan ng Senado ang pinakahuling krisis na nagpatigil sa operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa sa mismong Bagong Taon.

“Ang insidenteng ito ay nagpapalala sa dati nang hindi kanais-nais na imahe ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Makailang beses na itong nabansagan na pinakamasama at pinaka-stressful na paliparan sa mundo,” sabi ni Estrada.

“Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng pangangailangan ng remedial legislation at agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang masalba pa natin ang ating airport sa pagiging pambansang kahihiyan,” dagdag niya.

Ang problemang teknikal at pagkawala ng kuryente na nagparalisa sa operasyon ng NAIA ay lalong nagpatibay sa pangangailangan ng pagkabit ng mas makabago at sopistikadong mga teknolohiya, paglalagay ng mga epektibong backup mechanisms at pagkuha ng mahuhusay at maasahang mga eksperto at tauhan na magsisiguro ng walang patid na operasyon ng paliparan, giit pa ng beteranong mambabatas.

“Kailangan din nating maging maingat at handa laban sa mga cybersecurity attacks, sabotage, disasters at iba pang mga banta,” ani ni Estrada.

Ayon pa sa senador, ang aberyang inabot ng sampung oras ay makapagdudulot ng malaking pagkalugi sa pambasang eokonomiya dahil makasisira ito sa pangkalahatang imahe ng bansa bilang isang tourism destination, commercial at sentro ng pamumuhunan.

Sa paggigiit ng remedial legislation sa pamamagitan ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado, sinabi ni Estrada na kailangan ng maayos at komprehensibong pagtukoy ng mga kinakailangang imprastraktura, maging ang suporta mula sa gobyerno o pribadong sector upang gawing moderno ang NAIA sa lalong madaling panahon.

“Kung talagang gusto nating baguhin ito upang maging isa sa pinakamaayos sa mundo, kailangan nating tiyakin ang pinakamataas na kalidad ng serbisyo para sa lahat ng gumagamit nito. Panahon na para tingnan natin ang kasalukuyang kalagayan nito,” ani Estrada. ABANTE/ Dindo Matining