Top 10 priority bills for the 19th Congress

Sapat, patas at makatwirang sweldo para sa hanay ng mga manggagawa. Hangarin natin na masigurong matatanggap ito ng ating mga kababayan, lalo ngayong panahon na nagtataasan ang mga presyo ng pangunahing bilihin. Layunin natin na ang National Wages and Productivity Commission ay mabilis at positibong tumutugon at umaaksyon sa panawagan ng disenteng sahod at kita ng sektor ng manggagawa.

Inihain nating muli ang ating panukalang Magna Carta for Workers in the Informal Economy, kung saan kabilang ang mga street vendors, pedicab drivers, sari-sari store owners, subsistence farmers, at iba pang produktibong manggagawa. Layunin nating matiyak na sila ay sakop ng social safety nets na ipinapatupad ng DOLE, DSWD at iba pang ahensya ng pamahalaan. Layon din ng panukala na maaabot sila ng social insurance programs. Nakapaloob din dito ang seguridad ng mga manggagawa at mabigyan sila ng proteksyon mula sa pagpapaalis sa kanilang pwesto at pang-aabuso ng awtoridad gaya ng pangongotong at pagsamsam ng kanilang kagamitan o paninda.

Isa sa mga pet bills natin noong aking unang termino bilang Senador ang Batas Kasambahay na naglalayong bigyan ng dagdag na benepisyo, mas mataas na suweldo, at proteksyon mula sa pang-aabuso at pagsasamantala ang mga domestic workers. Itinatakda rin ng nasabing batas ang pagiging miyembro nila sa SSS, Philhealth at Pag-Ibig. Ngunit ilang taon ang nakalipas, maraming employer ang hindi nakakapag-bayad ng kontribusyon, dahilan upang walang benepisyong matanggap ang mga kasambahay. Layon nito na magkaroon ng condonation program para sa delinquent employers at makapagbayad sila nang walang penalties. “Ang purpose nito ay para matiyak na lahat ng kasambahay ay magiging members ng SSS at makakatanggap ng benepisyo mula sa ahensya.”

Kasabay ng tinatawag na New Normal, ipinatupad ang iba’t ibang work arrangement bilang pagsasaalang-alang sa banta ng Covid-19. Isa sa ating priority bills ay ang pagpapaikli ng work week ng ating manggagawa sa apat na araw lamang, nang walang kabawasan sa kanilang buwanang kita at productivity. Maaaring maging magandang alternatibo rin ito para sa ating mga manggagawa sa harap ng pagtaas ng singil sa pamasahe at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Marami ang nagiging freelancers kasunod na rin ng pagbubukas ng maraming oportunidad sa digital economy at dahil sa natatanging kakayahan ng ating labor force partikular ang pagiging tech-savvy, husay sa Ingles, at likas na pagkamalikhain. Ngunit kasabay nito ay ang mga hindi kanais-nais na karanasan sa ilalim ng sistemang ito, gaya ng hindi pagtanggap ng tamang kabayaran sa ginawang proyekto, kakulangan ng malinaw na kasulatan o kontrata na nagtatakda ng mga kondisyon sa trabaho, at kawalan ng social protection at welfare benefits. Layunin ng ating panukalang Freelancers Protection Act na matiyak na walang manggagawang Pilipino ang maaabuso o mapagsasamantalahan sa ilalim ng bagong work arrangement na ito.

Muli nating inihain ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga seafarers sa ating bansa. Hindi lamang sila itinuturing na frontliners sa maraming sektor ng ekonomiya gaya ng transportasyon, kalakalan, at turismo, ang mga Pilipinong seafarers din ay hinahangaan sa buong mundo dahil sa kanilang angking husay, sipag at dedikasyon sa trabaho. Bilang isa sa pangunahing pinagkukunan ng mga seafarers sa mundo, marapat lamang na manguna din ang Pilipinas sa pagkakaroon ng matibay na batas na nagbibigay ng proteksyon at nagtataguyod ng karapatan ng ating mga bayaning seafarers.

Isinusulong natin ang pagbibigay ng 20% discount sa ating mga mahihirap na kababayang naghahanap ng trabaho at kumukuha ng mga requirements para sa kanilang aplikasyon, kabilang ang barangay, NBI at police clearance, transcript of records at diploma, birth certificate, medical certificate at iba pa. Nais nating maalalayan ang ating mga pursigidong job hunters at mapagaan ang mabigat na gastusing kaakibat ng pag-aasikaso at pagkumpleto sa mga kinakailangang papeles sa pag-apply sa trabaho.

Hangad natin na mabigyan ng disente at sapat na kita ang ating mga public utility bus drivers sa ilalim ng fixed monthly salary scheme. Maraming mga pampublikong bus drivers ang namamasada ng 16 hanggang 20 oras para lamang makapag-uwi ng kita sa pamilya. Ngunit ang sobrang pagbababad sa kalye ay nagdudulot ng matinding pagod at puyat na maaaring maging sanhi pa ng aksidente. Dahil na rin sa pinaiiral na na quota at commission-based scheme mula sa kabuuang koleksyon mula sa biyahe, ang ilan ay nakikipag-karera o gitgitan sa kapwa driver para makakuha ng mas maraming pasahero, na nagdadala ng panganib sa mga commuters. Bukod sa kapanatagan sa sigurado at sapat na sweldo, nais din nating matigil ang hindi makataong kalagayan sa paggawa na nararanasan ng ating mga drivers.

Maraming kumpanya at negosyo ang pinadapa ng pandemya, kaya marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho. Marapat lamang na manguna ang ating pamahalaan, sa pamamagitan ng panukalang National Manpower Data and Placement Center, sa aktibong pag-alalay at mabilisang pagtulong sa ating mga manggagawa na makalipat sa bagong trabaho at mai-puwesto sila sa pribado o pampublikong sektor, na akma sa kanilang karanasan at kakayahan. Ito rin ang kakalap ng komprehensibong datos tungkol sa sitwasyon at pangkalahatang kalagayan ng sektor ng mga manggagawa at labor supply upang masolusyunan ang underemployment at unemployment sa bansa.

Kabilang din sa aking sampung priority bills ay ang pagtatatag ng National Employment and Assistance Center (NEAC) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE). 

Una ko itong inihain noong 2004 sa aking unang termino bilang Senador. Layunin ng panukalang ito na magkaroon ng pangunahing sangay ng pamahalaan na magiging kaagapay ng ating mga kababayan sa paghahanap ng trabaho at pagkakakitaan. 

Bukod sa pagiging one-stop shop assistance center upang mapadali ang pag-proseso ng kanilang requirements, magkakaroon din ng direct referrals sa mga employers o kaya ay sa retraining programs.