Jinggoy sa OWWA, DOLE: Bigyan ng kabuhayan OFWs na uuwi mula sa Sudan

(ABANTE) Nanawagan si Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tiyakin ang pagbibigay ng livelihood assistance sa mga inililikas at iuuwing mga overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa lumalalang civil war sa Sudan.

Hinimok din ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor and Employment, ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya ng gobyerno na maghanda ng mga alternatibong mapagkukunan ng kabuhayan para sa mga uuwi kabilang ang mga undocumented OFWs.

“Asahan na natin na karamihan sa mga OFWs na napilitang umuwi ng wala sa oras dahil sa tumitinding kaguluhan sa Sudan ay walang ipon. Baka matagalan pa bago sila makapag-relocate para makipagsapalaran sa ibang bansa,” sabi ni Estrada.

“For the meantime, makabubuti siguro na mabahagian sila ng tulong ng gobyerno. May nakalaan tayong pondo para sa mga katulad nilang distressed o displaced OFWs,” dagdag pa niya.

Ayon kay Estrada, na isang advocate ng labor at employment rights, na may P431 milyon na nakalaan sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program (BPBH) ng OWWA sa national budget ngayong taon.

Sa ilalim ng programang BPBH na naglalaan ng tulong pangkabuhayan para sa mga OWWA member-OFWs na napilitang umuwi, makakatanggap sila ng P20,000 bilang startup or karagdagang kapital sa kanilang kasalukuyang negosyo.

Nasa 325 na bilang ng mga tinatayang 700 na OFWs sa Sudan ang dumulog at humingi na ng tulong sa gobyerno para sa kanilang repatriation dahil sa lumalalang sitwasyon ng nasabing bansa. (Dindo Matining)