MESSAGE OF SENATOR JINGGOY EJERCITO ESTRADA AT THE PALARONG PAMBANSA 2026
Prosperidad, Agusan del Sur
May 24, 2026
Greetings –
Sa mga kalahok na kabataang atleta, coaches, at mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng bansa, magandang araw sa ating lahat.
Ngayong taon, muling nagbabalik ang Palarong Pambansa sa Mindanao, at ang Agusan del Sur ang nagsisilbing host province. Isa itong makasaysayang pagkakataon hindi lamang para ipamalas ng ating mga kabataan ang kanilang husay sa iba’t ibang larangan ng palakasan, kundi upang matuklasan din ang mga bagong talento at maipakita ang tunay na diwa ng sportsmanship.
Gaya ni Olympian Hidilyn Diaz na kasama natin ngayon, na nagsimulang linangin ang kanyang disiplina at kakayahan sa weightlifting sa murang edad, hangad ko na marami pang kabataang atleta ang sumunod sa kanyang yapak at magbigay ng karangalan sa ating bansa sa pandaigdigang entablado.
Hindi na mabilang ang mga atletang ating nabigyan ng pagkilala sa Senado matapos nilang mag-uwi ng karangalan para sa Pilipinas sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon.
Dito nagsisimula ang mga kwento ng mga nagiging national champions at posibleng global icons. Dito nahuhubog ang disiplina, sportsmanship, at fighting spirit ng ating kabataan.
Ngunit upang matupad ang pangarap ng bawat atletang Pilipino, kailangan natin silang alagaan, suportahan, at bigyan ng tamang oportunidad. Hindi sapat ang talento lamang. Mas mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na training facilities, scholarship opportunities, international exposure, gabay ng mahuhusay na coaches, at sapat na suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
Sa ganang amin sa Senado, makakaasa kayong patuloy kaming magsusulong ng mga batas at programang magbibigay ng sapat na pondo para sa training, equipment, at sports facilities ng ating mga kabataang atleta. Isusulong din natin ang mas maraming scholarship programs para sa student-athletes upang matulungan silang mapagsabay ang pag-aaral at paglinang ng kanilang talento sa larangan ng palakasan.
Ang tagumpay ng ating mga atleta ay tagumpay ng buong sambayanan. Sa bawat medalya ay sumasalamin ang sipag, tibay, at dangal ng atletang Pilipino.
Dito sa Agusan del Sur, ipinapakita natin na kayang-kaya ng isang probinsya na magdaos ng world-class sporting event. Ngunit higit pa rito, ipinapakita natin na kaya ng Pilipinas na makalikha ng world-class athletes—kung bibigyan natin sila ng sapat na suporta mula pa lamang sa simula.
Maraming salamat, at mabuhay ang Palarong Pambansa 2026! Mabuhay ang kabataang Pilipino!


