Sa gitna ng mga kinahaharap nating krisis sa politika at ng kaguluhan sa Middle East, mahalagang nananatiling matatag, mahinahon, at nakatuon sa serbisyo publiko ang ating mga lokal na pamahalaan.
Alam nating lahat na ang pangunahing tungkulin ng mga lokal na lider ay tiyakin ang kapakanan, seguridad, at kaayusan ng kanilang mga nasasakupan—anuman ang ingay ng pambansang politika o tensyon sa pandaigdigang komunidad. Sapagkat ang lakas ng ating bansa ay nakaugat sa lakas ng ating mga lokal na pamahalaan.
Kaya naman, kailangang patatagin pa natin ang inyong hanay upang mas epektibong matugunan ang mga hamon ng kasalukuyan at ng hinaharap—mga hamong nangangailangan ng isang makabago at future-ready na Local Government Code.
Bilang Tagapangulo ng Senate Committee on Local Government, naghain ako ng mga panukalang amyenda sa Republic Act No. 7160 upang iakma ito sa makabagong panahon. Layunin nating gawing mas responsive, mas empowered, at mas handa ang ating mga LGU sa anumang krisis.
Sa larangan ng disaster preparedness, naisabatas na ang aking itinaguyod na Ligtas Pinoy Centers Act o ang ngayon ay Republic Act No. 12076, na nag-aatas ng pagtatayo ng maayos, ligtas, at kumpletong evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad. Hindi na dapat umaasa lamang sa mga paaralan tuwing may bagyo, lindol, sunog, o pagputok ng bulkan—dapat may permanente at maayos na pasilidad ang bawat komunidad.
Ipinanukala ko rin ang Senate Bill No. 2860 para sa pagtatatag ng isang nationwide network ng food banks at stockpiles upang masiguro ang agarang pamamahagi ng relief goods sa panahon ng krisis. Dahil sa isang bansang madalas tamaan ng kalamidad, ang paghahanda ay hindi dapat ginagawa lamang kapag may sakuna—ito ay tuluy-tuloy na responsibilidad.
Noong Setyembre 2025, naisabatas na din ang Republic Act No. 12287 o ang Declaration of State of Imminent Disaster Act, na nagpapahintulot sa national at lokal na pamahalaan na magdeklara ng State of Imminent Disaster batay sa scientific forecast at risk assessment. Ito ay mahalaga upang makagawa ng maagap na aksyon, makapagsalba ng buhay, at mabawasan ang pinsala.
Sa usapin naman ng digital governance at transparency, kailangang maging innovator ng progreso ang ating mga LGU. Ang reporma sa Local Government Code ay dapat magbigay ng mas malinaw na mekanismo para sa digital transformation, mas bukas na pamamahala, at mas patas na distribusyon ng yaman.
Inihain ko ang Senate Bill No. 2344 o ang Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act, na nagpapalawak ng pakikilahok ng publiko sa paggawa ng batas sa pamamagitan ng online platforms kung saan maaaring magsumite ng komento at suhestiyon ang mga mamamayan. Ito ay hakbang tungo sa mas bukas, mas transparent, at mas participatory na pamamahala.
Sa harap ng lahat ng ito, malinaw na ang ating Local Government Code ay kailangang palakasin at iakma sa mga hamon ng makabagong panahon.
Kung nais nating maging tunay na future-ready ang Pilipinas, kailangan nating palakasin ang ating mga lokal na pamahalaan. Ang mga LGU ang frontliners sa serbisyo publiko, transparency, at accountability.
Sa pamamagitan ng komprehensibong reporma sa Local Government Code, masisiguro natin na ang bawat munisipalidad ay may sapat na kakayahan, kapangyarihan, at resources upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan—at sa huli, makapag-ambag sa isang mas matatag at mas maunlad na Republika ng Pilipinas.
Maraming salamat, magandang umaga, at mabuhay tayong lahat!

