Co-Sponsorship Speech on Senate Bill No. 1905 under Committee Report No. 35 Magna Carta of Barangay Health Workers

CO-SPONSORSHIP SPEECH

AN ACT PROVIDING FOR THE MAGNA CARTA OF BARANGAY HEALTH WORKERS

Senate Bill No. 1905 under Committee Report No. 35

SEN. JINGGOY EJERCITO ESTRADA

February 25, 2026

Mr. President, distinguished colleagues, it is with great pride that I rise today to co-sponsor the proposed Magna Carta of Barangay Health Workers. Ang panukalang ito ay malinaw na nagsasaad ng polisiya ng Estado na  kilalanin ang mahalagang papel ng ating mga Barangay Health Workers (BHW) bilang frontliners sa primary health care. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, sila ay pormal na kinikilala bilang bahagi ng community health care workers na katuwang ng ating mga local government units sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad.

Mr. President, hindi maikakaila na ang ating mga BHW ang unang nilalapitan ng mga kababayan natin sa oras ng karamdaman. Sila minsan ang health educator, community organizer, record keeper, at katuwang ng mga doktor at nurse sa barangay health stations. Sa pamamagitan ng panukalang ito, mas pinatatatag ang kanilang papel sa patient navigation at referral systems, alinsunod sa Universal Health Care framework. Hindi lamang ito simpleng pagkilala ito ay pagpapatibay ng kanilang ambag sa ating health care delivery system.

Ngunit, Mr. President, ang pagkilala ay hindi sapat kung walang kasamang konkretong suporta. Kaya naman itinatakda sa panukalang batas ang malinaw na mga benepisyo at insentibo para sa ating volunteer BHWs, kabilang ang hindi bababa sa tatlong libong pisong (₱3,000.00) buwanang honorarium, transportation at hazard allowance, cash gift, loyalty incentive, at insurance coverage . Mayroon ding education at career advancement programs, preferential access to livelihood programs, at civil service eligibility para sa mga naglingkod nang tuluy-tuloy at may mahusay na performance. Ito ay konkretong patunay na ang serbisyo at sakripisyo ng ating mga BHW ay hindi na lamang aasa sa volunteerism kundi susuportahan ng Estado.

Mahalaga ring bigyang-diin na ang panukalang ito ay may malasakit sa ating mga mahihirap na mga munisipyo. Sa pamamagitan ng BHW Deployment Subsidy to Low-Income Municipalities, tutulungan ang third, fourth, at fifth class municipalities upang maipatupad ang minimum benefits at masiguro na may sapat na BHWs lalo na sa mga unserved at underserved areas. Ito ay hakbang tungo sa tunay na health equity dahil kahit anuman ang antas ng kita ng isang munisipyo, may maaasahang health worker ang bawat barangay.

Mr. President, I also filed Senate Bill No. 838 sa kadahilanan na ang panukalang ito ay hindi lamang tungkol sa insentibo o benepisyo. Ito ay tungkol sa dignidad, propesyonalisasyon, at empowerment ng ating mga Barangay Health Workers. Sila ang tahimik na bayani ng ating mga komunidad, lalo na sa panahon ng krisis at pandemya. Panahon na upang maibigay natin sa kanila ang nararapat na pagkilala at suporta. Kaya naman buong puso ko pong sinusuportahan ang panukalang ito at hinihikayat ko ang aking mga kapwa senador na ipasa ang Magna Carta of Barangay Health Workers para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Thank you, Mr. President.