Statement on the Cebu earthquake

Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pakikiramay sa ating mga kababayang Cebuano na labis na naapektuhan ng malakas na lindol, lalo na sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Sa mga ganitong pagkakataon, muli nating ipairal ang diwa ng bayanihan. Habang isinasagawa ng ating pambansang pamahalaan at iba’t ibang ahensya ang rescue, relief, at rehabilitation efforts upang maihatid ang mga pangunahing serbisyo at agarang tulong sa mga biktima ng lindol, hinihikayat ko rin ang pribadong sektor, mga NGO, at iba pang handang magpaabot ng tulong sa ating mga apektadong kababayan.

Isantabi muna natin ang mga usaping pulitika at magkaisa tayo sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sa oras ng krisis, ang ating pagkakaisa ang pinakamalakas nating sandata.

Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang ipanawagan ang agarang pagpapatupad ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na aking isinulong sa Senado. Sa mga ganitong sitwasyon, higit nating nakikita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay at ligtas na evacuation centers na may sapat na pasilidad at pangunahing pangangailangan—hindi lamang tuwing may bagyo kundi maging sa malalakas na lindol at iba pang kalamidad.