Mr. President,
I would like to associate myself with the sponsorship speeches of our colleagues and express my full support on Proposed Senate Resolution No. 144 expressing the sense of this chamber to request the International Criminal Court to hold former President Duterte under house arrest, rather than in a detention facility, to uphold the principles of humanity, irrespective of political interest or other gains.
Ginoong Pangulo, hindi maikakaila na si dating Pangulong Duterte—sa kabila ng mga kontrobersiyang bumabalot sa kanyang administrasyon—ay naglingkod sa bayan sa loob ng maraming taon bilang Mayor, Vice Mayor, Congressman, at bilang ikalabing anim na Pangulo ng ating bansa.
Nauunawaan ko na may iba’t ibang pananaw ang bawat isa sa atin dito hinggil sa naging pamumuno ng dating pangulo. Gayunpaman, hinihingi ng pagkakataon ang habag at pagpapairal ng konsiderasyon sa lumalalang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Likas sa ating mga Pilipino ang mataas na pagpapahalaga at paggalang sa mga nakatatanda – sila na mga tagapag-ingat ng karunungan, kasaysayan at tradisyon ng ating pamilya.
At gaya ng karamihan na nasa dapithapon na ng kanilang buhay, sa edad na otsenta anyos, hindi na siya ang lider na kinamulatan natin ilang taon na ang nakaraan, matatag sa likod ng pulpito ng kapangyarihan. Bagkus, isa na siya ngayon na ordinaryong ama, lolo at kapwa mamamayan na humaharap sa pinakamabigat na hamon ng kanyang buhay, na higit pang pinabigat ng katandaan at karamdaman.
Kaya’t hinihiling ko sa aking mga kasamahan, bilang mga senador ng sambayanang Pilipino, kasama na rin ang ating mga kasamahan natin na sina Senator Risa, Senator Kiko, Senator Bam, na pairalin natin ang pag-unawa, pagbibigay-halaga sa kalusugan at dignidad ng nakatatanda lalo na’t may dinadalang karamdaman.
Ang pagpapasyang ito ay hindi nangangahulugan ng paglimot o pag-abswelto sa mga ipinunukol sa dating pangulo, bagkus ay pagbibigay ng pagkakataon na makapamuhay siya sa ilalim ng makataong kundisyon habang dinidinig ang kanyang mga kaso.
Nawa’y manaig ang ating pagkakaisa, malasakit at pagiging makatao – dahil higit sa lahat, siya ay isa ring kapwa Pilipino.
Sabi nga ng aking ama, dating Pangulong Estrada, walang tutulong sa Pilipino kundi kapwa Pilipino.
Maraming salamat, Ginoong Pangulo.