Rules sa pamimigay ng tulong sa evacuation center sa San Juan, kinastigo ni Jinggoy

(POLICE FILES TONITE) TINULIGSA ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang inilabas na panuntunan sa operasyon at pagmimintina ng mga evacuation center sa San Juan City.

Ayon kay Estrada, katawa-tawa, hindi makatwiran at kalokohan ang inilabas na City Ordinance No. 26 ng San Juan City.

“Saan ka nakakita na ang mga nagmamagandang loob at nais makiramay sa mga nangangailangan ay maaari pa palang pagmultahin kung hindi dadaan muna sa Office of the Mayor? Para mag-paalam? Sa panahon na sakuna, ang lahat ng klase ng tulong ay mahalaga lalong lalo na sa mga nangangailangan – ang mga biktima,” wika ni Estrada.

“Ang mga ganitong panuntunan, bureaucracy na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng San Juan, imbes na makahikayat ng mga donors ay mawawalan ng gana, worse, matatakot pa dahil sa banta ng multa. Ang mga mamamayan ng San Juan ang talo dito. Kawalan nila ito,” diin ng senador.

“Kahit ilang beses akong pagmultahin ng P5,000, hindi ako matitinag na magpaabot ng tulong sa aking mga nangangailangan at nakakaawang mga kababayan. Bilang isang mambabatas, alam ko na walang umiiral na batas na nagbabawal tumulong sa mga nangangailangan lalo na in times of emergency,” hirit pa ni Estrada.

Matatandaang kumalat sa social media ang video ni Estrada kung saan makikita na tila nakikipagtalo siya sa isang babae na si Pia Gil, empleyado ng San Juan City Hall.

Gusto umano ng staff ni Estrada na makuha ang detalye ng mga biktima ng sunog, na tinanggihan umano ng mga social worker dahil sa Data Privacy Act.

Hindi rin umano nakipag-ugnayan ang team ng senador sa CSWD office para sa pamimigay ng mga ito ng ayuda. (Mylene Alfonso)