(POLITIKO) Pinagkaisahang kinondena ni Sen. Jinggoy Estrada at Sen. JV Ejercito ang city ordinance ng San Juan na pinamumunuan ni Mayor Francis Zamora kaugnay sa regulasyon sa pagdalaw at pagtulong ng mga nasa evacuation centers.
Sinabi ni Sen. Jinggoy, tanging sa San Juan makikita na ang mga nagmamagandang loob at nais makiramay sa mga nangangailangan ay maaari pa umanong pagmultahin kung hindi dadaan muna sa Office of the Mayor.
Ayon kay Estrada, ang mga ganitong panuntunan, bureaucracy na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng San Juan imbes na makahikayat ng mga donors ay mawawalan ng gana at ang masahol ay matatakot pa dahil sa banta ng multa.
Pero kahit ilang beses daw itong pagmultahin ng P5,000, hindi siya matitinag na magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan at nakakaawang mga kababayan.
Samantala, mariin ding kinokondena ni Sen. JV ang City Ordinance No. 26 ng San Juan dahil malinaw na nagpapakita umano ito ng pagiging vindictive at politikal na agenda.
Inihayag ni Ejercito na nakababahala na pati ang tulong para sa ating mga kababayang nasalanta ng kalamidad ay gustong kontrolin ng mayor.
Ang tulong ay dapat daw laging bukas at walang anumang uri ng manipulasyon at hindi katanggap-tanggap na haluan ng pulitika at pagka-benggador ang pagbibigay ng ayuda para sa mga taga-San Juan. (Reymund Tinaza)