Mayor Alice Guo, muling pinagsabihang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya

(DZME) Hindi pa rin sumipot sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa operasyon ng POGO si suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo gayundin ang kanyang mga magulang at mga kapatid.

Sa mga personalidad na inisyuhan ng warrant of arrest ng Senado, tanging sina Nancy Gamo na naaresto ng mga tauhan ng Senate Sgt At Arms at si Dennis Cunanan na kusang nagtungo sa Senado ngayong araw ang humarap sa kumite.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Guo sa jurisprudence ng Korte Suprema na nagsasaad na flight is an indication of guilt.

Sinabi ni Estrada na malinaw ang mga ebidensya laban kay Guo kaya’t mas makabubuti na harapin niya ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sa pagharap naman ni Gamo sa pagdinig, sinabi nito na siya ay freelance accountant lamang ni Guo at per project basis lamang ang kanyang papel sa alkalde.

Inamin ni Gamo na siya ang nagrehistro ng ilang korporasyon ni Guo kabilang na ang niraid na POGO sa Bamban, Tarlac.

Samantala, inamin ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ang niraid na bahay sa Tuba, Benguet ay pag-aari ng korporasyon kung saan siya ay mayroong interes.

Sinabi ni Roque na nakarehistro ang bahay sa isang korporasyon subalit ito ay pina-lease sa isang Wan Yu na isang Chinese national simula noong Enero 2024.