Walang ‘outside forces’ sa pagpapalit ng liderato ng Senado – Jinggoy

(ABANTE) Isinantabi ng bagong luklok na Senate President Pro Tempore na si Jinggoy Estrada ang alegasyon na may “outside forces” sa biglaang pagpapalit ng liderato sa Senado.

“Walang outside forces. It is just among our colleagues here,” sagot ni Estrada nang tanungin ng mga reporter nitong Martes.

Noong Lunes, nagbitiw sa puwesto si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President at naluklok naman si Senador Francis Escudero. 

Labinglimang senador ang lumagda sa resolusyon para suportahan si Escudero bilang bagong lider ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Naniniwala naman si Estrada na hindi magbabago ang relasyon ng Senado sa Malacanang sa kabila ng pagbabago ng liderato sa Senado.

“Wala naman sigurong maaapektuhan. It’s just a change of leadership; we will always be supportive of the legislative concerns of the Palace as long as it will [be for] the benefit of our people. We will always be supportive of it,” paliwanag niya. (Dindo Matining)