Magandang gabi po sa inyong lahat.
Ako po si Senador Jinggoy Ejercito Estrada, ang panganay na anak ng dating Presidente Joseph Ejercito Estrada at ng Senadora ng Masa, isang proud Zambaleño, Doktora Luisa “Loi” Pimentel Ejercito Estrada.
Nang matanggap ko po ang imbitasyon ng inyong Alumni Association President Roy Mendones at ni Zambales National High School principal Guillermo Mantes, hindi na ako nagdalawang-isip pa na paunlakan ito.
Isang malaking karangalan po ang pagbibigay ninyo ng pagpapahalaga at pagkilala sa aking pinakamamahal na ina na hinubog ang pagkatao ng paaralang ito noong siya’y nagdadalaga pa.
Sinundan ko man ang yapak ng aking mga magulang sa pagiging lingkod-bayan at pagiging mambabatas, aminado ako na mahirap matumbasan ang mga naabot nilang tagumpay sa kanilang karera.
Batid naman ninyo na bago naluklok bilang panglabintatlong (13th) pangulo ng bansa ang aking ama, naging mayor muna sya ng San Juan at nagsilbi ding senador bago naging bise presidente noong 1992.
Samantalang ang mommy ko ay hindi lang nagpakadalubhasa sa field of Psychiatry, nadagdag din sa titulo niya ang pagiging mambabatas noong 2001. Marahil ay nakaukit sa aming mga palad na makakasama ko sya bilang “colleague” sa Mataas na Kapulungan mula 2004 hanggang sa kanyang pagretiro sa Senado noong 2007.
Sa loob ng anim na taong paninilbihan niya sa Senado, hindi matatawaran ang naging ambag ng aking ina sa ilalim ng 12th at 13th Congresses.
Nakapaghain siya ng higit sa isangdaan at dalawampung (120) panukalang batas at labingtatlong (13) resolusyon at ang ilan sa mga ito ay naging ganap na mga batas na nagbigay ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan gaya ng R.A. No. 9241 o ang National Health Insurance Program; R.A. No. 9211, The No Smoking Act; R.A. No. 9167, The Film Development Council of the Philippines; R.A. No. 9165, The Comprehensive Dangerous Drugs Act; at R.A. No. 9275, The Clean Water Act.
Aktibo rin siyang lumahok sa pagsasabatas ng hindi bababa sa tatlongpung (30) mahahalagang panukala at nagsilbing kinatawan sa iba’t ibang komite ng bicameral conference.
Lingid sa kaalaman ng marami, nagsasagawa ng medical mission ang aking ina linggo-linggo habang siya ay senadora pa. Nakasanayan na niyang gawin ang pagkakawanggawang ito magmula noong naging First Lady siya.
Ito ang nagbunsod sa kanya para itatag ang Masa ang Riwasa ni Erap o MARE Foundation na nag-sponsor ng mga free dialysis sessions sa mga mahihirap at nagpatuloy ito noong panahon na nagsilbing mayor ng Lungsod ng Maynila ang aking ama.
Hindi kailanman naging tampok sa anumang press release o photo release ang pagmamalasakit at pagkalinga ng aking isa sa mga maysakit at nangangailangan. Para sa kanya, hindi importante ang pagsasapubliko ng mga ginagawa niya. Ganun po ang mommy ko. Silent worker, ika nga nila.
Hindi mabibilang ang mga nabiyayaan niya ng libreng wheelchair, gamot at iba pang tulong medikal sa mga liblib na barangay sa ating bansa.
Dala na rin marahil ng kanyang pagiging isang alagad ng medisina, mas matimbang ang sense of fulfillment niya sa tuwing ginagampanan niya ang pagiging doktora.
Kaya naman buo ang suporta ng aming pamilya nang magdesisyon siya na huwag nang tumakbo para sa pangalawang termino sa Senado.
Gaya rin ng mga katulad ninyong mga ina na nagtapos dito sa Zambales National High School, isang ordinaryong mommy, tita, mommyla – yan po ang tawag sa kanya ng kanyang mga apo – si Loi Ejercito Estrada.
Pinapagalitan din kami sa tuwing kami ay nagkakamali, kinakalinga kapag nakakasakit at higit sa lahat, hindi kami pinagdamutan sa pagmamahal at paggabay.
Hinubog kami sa pagiging debotong Katoliko ng aking ina kaya’t inilalaan ko ang pagsisimba tuwing Miyerkoles sa Baclaran Church at nagdarasal sa Our Lady of Manaoag kapag napapagawi ako ng norte.
Ang aking mga magulang ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng katapatan, tapang, at malasakit na aking isinasabuhay sa aking paglilingkod sa bayan. They have also shown me the importance of family, loyalty, and faith that I cherish in my personal life. Utang ko sa kanila ang mga nakamit ko sa buhay.
Sa araw na ito, ako ay nagpupugay sa aking ina at sa kanyang mga naging kontribusyon sa ating bayan. Nagpupugay rin ako sa Zambales National High School, ang paaralang naghubog sa kanyang pagkatao at pagkamakabayan.
Umaasa ako na ang paaralang ito ay patuloy na magbibigay ng dekalidad na edukasyon at paggabay sa mga susunod na henerasyon ng mga lider at bayani ng ating bansa — may malasakit, tapang, at integridad sa kanilang mga ginagawa at ipinaglalaban.
Muli, ako ay nagpapasalamat sa inyong lahat sa pagkakataong ito na makadaupang palad kayo at maging bahagi ng mahalagang okasyon ngayong araw.
Mabuhay ang Zambales National High School! Magandang gabi sa inyong lahat!