Panukala sa proteksyon sa labor violations isinumite ni Sen. Jinggoy sa plenaryo

(JOURNAL NEWS) ISINUMITE na sa plenaryo ni Sen. Jose Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 2491 na nagmumungkahi ng mga reporma sa apprenticeship program ng gobyerno para bigyang proteksyo ang mga trainee workers laban sa mga paglabag sa labor laws.

Magbibigay sa mga bagong henerasyon ng manggagawa ng kinakailangang mga skills para sa maayos na trabaho at gawin silang globally competitive ang minungkahing bagong sistema ni Estrada para sa National Apprenticeship Program.

Ngayong patuloy na bumabalik sa normal ang ating ekonomiya patungo sa pre-pandemic levels, nararapat lamang na tumbasan natin ito ng mga polisiyang magpapalakas sa Filipino workforce, lalo na sa tinatawag na highly technical occupations,” sabi ni Estrada, ang chairperson ng Senate Committee on Labor.

Sa ilalim ng SB 2491, bibigyan ng allowance ang mga apprentice na may edad 15 pataas na nais ng aktuwal na karanasan sa trabaho sa pamamagitan ng technical and vocational training (TVET) na pinangangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na katumbas sa 75 porsyento ng umiiral na minium wage rates; accident o disability insurance; at hindi na kinakailangang dumaan sa probationary period kung sakaling kunin silang empleyado ng kumpanya.

Gayunpaman, kailangan munang pumasa ng apprentice sa aptitude tests ng TESDA para matukoy ang kanilang kahandaan sa apprenticeship.

Kinakailangan din nilang sumailalim sa national assessment ng TESDA bago mabigyan ng national certificate o certificate of competency.

Bibigyan ang mga sertipikadong apprentice ng unit credits na katumbas sa pormal na sistema ng edukasyon na maaaring gamitin sakaling magpursige sila na kumuha ng tertiary degree courses batay sa patakaran at pamantayan sa equivalency at Recognition of Prior Learning ng TESDA, Commission on Higher Education at Department of Education.

Bibigyan naman ng tax deducation ang mga kumpanyang makikilahok sa apprenticeship program kapalit sa pagkuha ng mga apprentice.

Papayagan silang ibawas sa kanilang taxable income ang 50 porsyento o kalahati sa gastos sa pagsasanay ng manggagawa.

“Isinusulong ko na po simula noong 2013 pa ang pagkakaroon ng enhanced apprenticeship program sa mga kabataan para magkaroon tayo ng highly competent and skilled workforce na matutugunan ang pangangailangan ng iba’t-ibang sektor.

Kailangan nating pagtuunan ng pansin ang tech-voc education at training at pagtibayin ang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor para mabigyan ng de-kalidad na trabaho ang mga kabataan,” ani Estrada.