(NEWS KO) Ipinahayag ito ni Senador Jinggoy Estrada matapos banggain ng Chinese Coast Guard ang barkong inarkila ng Armed Forces of the Philippines para sa resupply mission sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Estrada, chairman ng Senate committee on national defense and security, ang
naturang aksyon ng Chinese Coast Guard ay hindi lamang lumabag sa maritime at international law kundi banta rin sa kaligtasan at seguridad sa rehiyon.
“Makailang beses nang ginagawa ang panghaharang sa ating mga sasakyang pandagat at nangyari na ang pinangangambahan natin na insidente. Hindi na katanggap-tanggap ang pangyayaring ito,” sabi ni Estrada sa isang statement.
“Aksidente man o hindi, patunay ito ng kawalan ng respeto sa atin at sa buhay ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Ani Estrada, dapat pag-aralan ng gobyerno ang susunod na hakbang dahil malinaw aniyang ito’y isang paglabag sa sovereign rights ng bansa.
“It is completely unacceptable. Will a mere diplomatic protest still suffice?” We must defend our rights and protect our citizens from harm,” ayon pa kay Estrada.
Samantala, sinabi naman ni Senador Francis Tolentino na ang ginawa ng China ay patunay lang na patuloy na pagbabalewa ng China sa mga panuntunan ng International Law at basic maritime safety.
Sabi niya, ang naturang insidente ay dapat mapasailalimsa isang masusing imbestigasyon sa ilalim ng International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS) at ang Code for Investigation of Marine Casualties and Incidents ng International Maritime Organization.