Libreng college entrance exam para sa mahihirap at kuwalipikadong estudyante, suportado ni Sen. Jinggoy

(ONLINE BALITA) Suportado ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang isinusulong na batas ng kanyang mga kasamahan na mag-aatas sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo na gawing libre ang entrance examination para sa mahihirap na graduating high school students at mga kabilang sa top 10% na nagtapos sa secondary education.

Sinabi ni Estrada, patunay na lumalawak na ang nakikinabang sa secondary education ng bansa base sa 2020 census na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpakita ng pagtaas ng bilang ng mga nagtatapos ng high school sa bansa.

“Ang pagdami ng bilang ng mga high school graduates ay marapat lamang na suportahan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng pagsisiguro ng patuloy na pag-aaral nila sa kolehiyo. Isang paraan upang makamit ito ay ang pagsasabatas ng ‘Free College Entrance Examinations Act,’” sabi ni Estrada patungkol sa Senate Bill 2441 na kanyang isinusulong at sinusuportahan.

Base sa 2020 PSA census, mahigit sa 21% ng mga Pilipino ang nagtamo ng high school diploma, mas mataas sa 19% na naitala noong 2010 at 13.5% noong 2000.

“Ang hindi pagbayad sa entrance exam fee lamang na nakapaloob sa panukalang ito ay malaking bagay para sa mga mag-aaral natin, lalo na para sa kanila na nasa pribadong paaralan ang mga napupusuang kurso o para sa mga mag-aaral na ang pinakamalapit na paaralan sa kanilang tahanan ay pribadong institusyon,” ani Estrada sa kanyang co-sponsorship speech.

Aniya, malaking pakinabang ang nasabing panukalang batas sa mga mag-aaral at paaralan. Habang pinapalawak nito ang opsyon ng mga mag-aaral sa papasukang institusyon, maaari itong makaambag sa pagtaas ng reputasyon at performance ng private higher education institutions (PHEIs) sa pagkakaroon ng mga high-achieving students.

Sa ilalim ng mga probisyon ng panukalang batas, kuwalipikado ang mga mag-aaral na mula sa pinakamahirap na pamilya o nasa ilalim ng poverty line ayon sa itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dapat din na kabilang sa nangungunang 10% ng graduating class.