2023 Philippine Professional Sports Summit hosted by the Games and Amusements Board (GAB)

Sa mga bumubuo ng Games ang Amusements Board, mga manlalaro, mga awardees ng pinakaunang Philippine Professional Sports Summit at kapwa ko sports enthusiasts, isang magandang umaga po sa ating lahat. 

Isang malaking karangalan po ang humarap sa inyo ngayon bilang panauhing pandangal dito sa pagtitipon na ito. Ang okasyong ito sumasalamin sa ating kolektibong hangarin na itaas ang antas ng professional sports sa bansa. Nandito tayo ngayon hindi lamang bilang mga tagahanga at mga stakeholder, kundi bilang mga tagapagtaguyod ng mga kinakailangang pagbabago sa hanay ng professional sports. 

Malaki ang ambag ng sports sa kultura at pamumuhay nating mga Pilipino. Mistulang tumitigil ang lahat sa tuwing may sumasabak sa laban sa international arena ang ating People’s Champ, si Senador Manny Pacquiao. Literal na zero ang crime rate sa bansa sa araw ng kanyang laban. 

At sa tuwing napapabalita na may kababayan tayong atleta o koponan ng manlalaro na nakapagtala ng bagong record o naging kampiyon sa international sporting competitions, hindi maitatanggi na may sense of pride tayong nararamdaman. 

Sa kultura nating mga Pilipino, karaniwan na ang mga improvised basketball court sa mga barangay. Ang mga kalye ang nagsisilbi ring na court sa mga kabataan na ginagawang libangan ang paglalaro ng badminton, volleyball at iba pa. 

Inaabangan ng lahat ang mga pa-liga sa barrio o barangay tuwing summer season dahil para sa mga ordinaryong manlalaro, hindi lang isang laro ang basketball. Likas sa ating mga Pilipino ang sumabak sa laban at lumaban hanggang sa dulo, ano man ang kalabasan. 

Iniidolo ng marami sa ating mga kabataan ang mga basketball superstar at sports champions at naghahangad na maging katulad nila balang araw. Para sa ilan sa kanila, ito ang paraan para umahon sa kahirapan. 

Kaya’t mahalaga na itaguyod ang tunay na diwa ng patas at malinis na paglalaro, kahusayan ng mga atleta at integridad ng laro para pangalagaan at maprotektahan ang sektor na pampalakasan laban sa mga tiwaling gawain. 

Ito ang dahilan kaya’t minarapat ko ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1641 na nagpapanukala ng batas laban sa game-fixing. 

Layon ng aking Anti-Game Fixing Act na tukuyin ang mga uri ng game-fixing at ideklara itong labag sa batas. Nagtatakda din ito ng mabibigat na parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong at matataas na multa na aabot sa hanggang limpampung milyong piso (P50 million) at habambuhay na diskwalipiskasyon sa pagsali sa amateur at professional sports. 

Sa ilalim ng aking panukalang ito, mahalaga ang magiging papel ng Games and Amusements Board sa pagpapatupad nito. Iaatas sa GAB ang pagbawi ng lisensya ng mga propesyonal na manlalaro at iba pang sports officials. Maaari rin na magsagawa ang GAB ng hiwalay na administrative proceeding para suspendihin o bawiin ang professional license ng sinoman na mapapatunayang nagkasala o may nagawang paglabag sa iba pang mga umiiral na batas, alituntunin at regulasyon. 

Nasa kamay rin ng GAB ang pagpapatupad ng mga hakbang at mekanismo, sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, sports associations at iba pang stakeholders, upang subaybayan at bantayan ang mga kahina-hinala at hindi patas na gawain na nagpapahiwatig ng game-fixing. 

Napansin natin na noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, tumaas ang mga insidente ng match-fixing at may mga sindikato na nag-diversify sa kanilang iligal na operasyon at sinamantala ang kahinaan sa pananalapi ng mga koponan ng mga manlalaro at opisyal dahil na rin sa ipinatutupad noon na mga health-related restrictions. 

Ang pagtatatag ng batas laban sa game-fixing at pagtataguyod ng propesyonalismo sa mundo ng sports ay mahalagang hakbang upang matiyak na magsisilbing inspirasyon, isang uri ng libangan at maipagmamalaki natin ang sektor na ito. 

Layon din ng mga hakbang na ito na maprotektahan ang core values ng sports, kapakanan ng mga manlalaro, interes ng mga tagahanga at maging ng mga sponsors na katuwang sa paglago at pag-unlad ng sektor na ito. 

Responsibilidad nating lahat, hindi lamang ng Games and Amusements Board, maging ng mga ahensya ng gobyerno, sports organizations, sponsors, media at ng mga masusugid na tagahanga na nagbibigay ng inspirasyon ang mapanatili ang integridad ng sports sa ating bansa. 

Magtulungan tayo na mapabuti at maiangat pa natin antas ng kahusayan ng ating mga atleta at masiguro na mabibigyan sila ng mga oportunidad na karapat-dapat nilang matanggap. 

Sa mga tatanggap  ng parangal sa pagbibigay nila ng karangalan sa ating bansa at kanilang mga ambag sa pagtataguyod ng professional sports dito sa 1st Philippine Sports Summit Awards, congratulations sa inyong lahat!

Bago ako magtapos, nais ko na ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng nasa likod nitong isinasagawang summit. Tiwala ako na ang mga diskusyon isasagawa ninyo ay magbibigay daan para sa magandang kinabukasan at mapangalagaan ang professional sports para sa mga susunod na henerasyon. 

Maraming salamat at mabuhay kayong lahat!