Employer na bumulag sa kasambahay, kinulong sa Senado

(ABANTE) Ikinulong sa detention facility ng Senado ang dating employer ng inabusong kasambahay na si Elvie Vergara matapos ma-cite for contempt sa pagdinig sa Senado nitong Martes.

Sa ikatlong hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa kaso ni Vergara, nagmosyon si Senador Jinggoy Estrada na i-contempt si France Ruiz sa paniwalang siya ang may kagagawan na pagmaltrato at pagnanakit kay Vergara na naging dahilan ng pagkabulag nito.

Noong una, nais ni Estrada na ipakulong si Ruiz sa Pasay City Jail subalit binawi niya ito at inirekomendang ikulong na lang sa detention facility sa Senado. Sinegundahan naman ni Senador Ronald Dela Rosa ang mosyon ni Estrada.

Bago ito, muling tinanong ni Estrada ang mag-asawang Ruiz kung nakahanda ba silang magpa-lie detect test dahil sa patuloy nilang pagtanggi na hindi sila ang may kagagawan ng mga sugat na tinamo ni Vergara.

“Kung lahat po kami, pati testigo,” sagot naman ni France.

Sabi ng mga senador, makakatulong sa mag-asawang Ruiz kung sasailalim sila sa lie detector test para malaman kung nagsasabi ba sila ng totoo o hindi. Bandang huli, puma¬yag din ang mag-asawa na sumailalim sa lie detector test.

Humarap din sa komite ang isa sa mga nagtrabaho sa mag-asawang Ruiz na si Dodong. Si Dodong ang isa sa mga witness na nagpapatunay na binubugbog ni France si Vergara sa loob ng isang taon na nagtrabaho siya sa mag-asawa.