Resolusyon ng pakikiramay sa pagpanaw ni Mike enriquez, inihain ng ilang senador

(ONLINE BALITA) Nagpahayag na pakikidalamhati at pakikiramay ang ilang senador sa sa pamilya at mga kaibigan ng batikan at multi-awarded na broadcast journalist na si Miguel “Mike” Enriquez na pumanaw noong Martes.

Sa inihaing Senate Resolution No. 770 ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, pinuri nito ang naging kontribusyon ni Enriquez sa pamamahayag at broadcast communication.

“Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan lalo na sa propesyon ng pamamahayag at broadcasting industry na kasalukuyang nasa ilalim ng disinformation, fake news at iba pang masamang epekto ng digital media age,” sabi ni Estrada.

Samantala, nakatakda ring maghain ng hiwalay na resolusyon si Senador Sonny Angara para purihin ang dedikasyon at integridad ni Enriquez sa larangan ng journalism partikular sa AM news radio kung saan ito naging icon sa industriya.

“The nation lost an icon in broadcast journalism with the passing of Mike Enriquez. For decades his voice in radio was a morning staple and was the face of prime time news television for many Filipinos,” paliwanag pa ni Angara.  

“Ang tatak ng boses ni Enriquez pati na ang kanyang natatanging istilo ng paghahatid ng balita at matatapang na komentaryo ay naging bahagi ng maraming tahanan ng mga Pilipino at humubog sa kamalayan ng mamamayan tungkol sa mga isyu ng lipunan at kasalukuyang pangyayari,” sabi naman ni Estrada.

Aniya pa, naipamalas ng beteranong mamahayag ang kanyang dedikasyon sa serbisyong publiko nang bumalik ito sa ere noong Marso ng nakaraang taon para sa 2022 National and Local Elections special coverage ng kanyang home network pagkatapos sumailalim sa isang medical procedure at pagdaanan ang ilang isyu sa kalusugan.

“Enriquez served as a steward of journalistic integrity-always eager to deliver factual and unbiased news even in the face of calamities, disasters, and emergencies, and always vigilant against crooks and erring officials as evidenced by his famous quote, “ Hindi naming kayo tatantanan,” sa resolusyon ni Angara.

Nagsilbi si Enriquez bilang president, senior vice president sa  RGMA Network Inc. at consultant para sa mga operasyon sa radyo bukod sa kanyang papel bilang host ng mga programa sa  public affairs programs at radio shows ng GMA Network.

“Ang kanyang natatanging gawaing propesyonal at hindi mapapantayang integridad ay dapat maging inspirasyon sa mga bagong mass media practitioners at mga nakababatang henerasyon upang itaguyod ang kahusayan at mahasa ang kanilang mga gawain nang may layunin at pagiging masigasig,” sabi naman ni Estrada. Pumanaw si Enriquez noong ika-29 ng Agosto, 2023, sa edad na 71-anyos.