Tiglao makapili – Jinggoy

(ABANTE) Inakusahan ni Senador Jinggoy Estrada ang dating presidential spokesman at ngayon ay kolumnista ng Manila Times na si Rigoberto Tiglao na makapili matapos nitong akusahan si dating Pangulong Joseph Estrada na nangako sa China na ipapatanggal ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Estrada na kilala si Tiglao sa pagkakalat ng fake news.

“Hindi ko lubos maisip kung bakit kailangang magpakalat ng ganitong kasinungalingan kung kailan paulit-ulit ang pambu-bully sa atin ng bansang itinuturing nating kaibigan. Maliban na lamang kung isa syang Makapili, traydor ng bayan,” diin ni Estrada.

“Ang katagang binitawan ng batikang aktor na si John Arcilla sa kanyang pagganap sa pelikula bilang si Heneral Luna ay tila nababagay kay Mr. Tiglao: ang sabi nya “May mas malaki tayong kalaban…ang ating sarili.” patutsada pa ng senador.

Ibinase lang daw nito ang pahayag sa 2022 book ni Gregory Poling, isang analyst na pabiritong pakay ang Southeast Asian political at security issues.

“How can we consider a passage in a book that claims former President Estrada vowed to remove BRP Sierra Madre from Ayungin Shoal at the request of the Chinese government, as unquestionable truth? It was made verbally, allegedly, to who? Can you name names, Mr. Tiglao?” paghahamon ni Estrada.

Binanggit pa ni Estrada na hindi rin maaaring isangkalan ni Tiglao ang confidential memorandum ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario kay Pres. Benigno “Noynoy” Aquino III dahil maraming interpretasyon ang nilalaman ng liham.