(ABANTE) Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na pagbibigay ng employers ng insurance coverage na magtitiyak ng minimum coverage na aabot sa P2 milyon at iba pang benepisyo sa mga line worker sa sektor ng power industry.
“Lubhang mapanganib ang kanilang trabaho kaya nararapat lamang na bigyan sila ng insurance at mga benepisyo,” sabi ni Estrada.
“Buwis buhay na hanapbuhay ang pagiging line worker. Sinusuong nila ang panganib bukod pa sa taos puso nilang pakikibahagi para maibalik ang suplay ng kuryente matapos manalasa ang bagyo, lindol at iba pang kalamidad,” dagdag pa niya.
Sa kanyang panukalang Line Workers Insurance and Benefits Act sa ilalim ng Senate Bill No. 2343, iminumungkahi ni Estrada na atasan ang mga private distribution utilities (PDUs), electric cooperatives (ECs), at transmission o grid operators na magbigay ng life and accident o disability insurance, retirement, mortuary at disability benefits para sa mga electrical linemen mula sa simula ng kanilang pagtatrabaho hanggang sa kanilang pagbibitiw, patanggal o pagreretiro sa kumpanya.
Itinatakda ng panukalang batas na saklawin ng insurance ang mga line workers na naninilbihan sa mga EC batay sa kanilang klasipikasyon: P200,000 para sa maliliit na kooperatiba, P400,000 para sa medium-sized, P600,000 para sa large, P800,000 para sa extra-large at P1 milyon para sa mega-large na kooperatiba.
Para sa mga transmission o grid operator, ang minimum na insurance coverage ay dapat nasa P2 milyon at P1.5 milyon naman sa mga nasa PDUs, mungkahi ni Estrada.
Sa kaso ng pagkamatay, aksidente, kapansanan o pinsala na natamo sa line of duty, sinabi ni Estrada na ipag-uutos ng panukalang batas na ibalik ang mga ginastos sa pagpapagamot. (Dindo Matining)