(ONLINE BALITA) Kasabay ng nalalapit nang magkaroon ng online application kung saan maaaring makakuha ng libreng employment certificate ang mga overseas contract workers (OFWs), isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng mga hakbang upang maging ganap na ang interoperability ng lahat ng sistema at serbisyo ng gobyerno para mapabilis ang digital transformation sa bansa at mabawasan ang red tape.
“These bold and innovative steps mark a significant milestone in ensuring the welfare and well-being of our modern-day heroes. By eliminating unnecessary fees in issuing Overseas Employment Certificates (OECs), we’re showing them the respect and appreciation they deserve. I’m hoping we could sustain and build on the digital transformation of government operations and processes to increase efficiency, productivity, and transparency,” ayon kay Estrada.
Sinabi ito ni Estrada matapos maiulat ang binubuong app ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa OEC at gawin itong libre para sa mga OFWs.
Iginiit ni Estrada ang pagkakaroon ng simple at mabilis na proseso at serbisyo sa pamamagitan ng electronic government (e-government), kabilang ang pagpapatupad ng online na sistema sa pagbabayad at sa mga transaksyon na may kaugnayan sa pagpaparehistro ng negosyo.
Isinusulong din ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development, ang pagtatatag ng E-Government Master Plan pati na ang pagtataguyod ng digital payments bilang pambansang patakaran sa mga transaksyon sa gobyerno.
Kabilang sa mga naihain ng beteranong mambabatas ang “Use of Digital Payments Act” na nakapaloob sa Senate Bill No. 803 at layong pahusayin ang transparency at pabilisin ang pamamahagi ng mga tulong pinansyal sa mga nangangailangan sa panahon ng krisis.
Ipinapanukala rin nito ang pagsasabatas ng digital payment scheme para sa mga produkto, serbisyo at iba pang isinasagawang transaksyon ng gobyerno.
Ang isa pang ipinapanukala ni Estrada, ang Senate Bill No. 455 o “E-Government Act,” ay nakatuon sa pagkakaroon ng legal framework para sa pagbalangkas ng E-Government Master Plan.
Kabilang dito ang mga probisyon para sa interoperability, database and resource sharing network, archives, records management system at isang online na sistema sa pagbabayad at iba pa.
“Sa pamamagitan ng isang user-friendly app, tulad ng isang app na nakatuon sa pagbibigay ng OECs, makakatipid tayo ng oras at gastusin sa gobyerno at ng mga OFWs habang nasisiguro ang pagkakaroon ng accessible at agarang serbisyo sa mga OFWs,” diin ni Estrada.
“Marami nang bansa ang nagpapatupad ng iba’t ibang uri ng e-government at nagkaroon na ng digital transformation ng kanilang financial system upang mapaigting ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Kailangan natin sumabay sa mga pagbabagong ito upang mapakinabangan natin ang benepisyo ng teknolohiya tungo sa pagpapabuti ng serbisyo para sa ating mga mamamayan,” dagdag pa nito.