(ABANTE) Umuusad na sa Senado ang mga panukalang batas na inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na naglalayong itaguyod ang paglago at pag-unlad ng lokal na industriya ng pelikula.
Ayon kay Estrada, ang panukalang pagbuo ng National Film Archive of the Philippines (NFAP) ay maitataguyod sa darating Second Regular Session ng kasalukuyang 19th Congress.
“Dalawampung taon na ang lumipas mula nang maisabatas ang Republic Act No. 9167, ang batas na nag-uutos sa FDCP (Film Development Council of the Philippines) na itatag ang isang film archive, ngunit ang permanenteng pasilidad na mangangalaga ng mga pelikula na may sapat na storage space at tamang kagamitan ay hindi pa rin natutupad,” pahayag ng senador na unang nagsumite sa mataas na kapulungan sa NFAP.
Sa pagsulong ng Senate Bill No. 1033, ipinunto ni Estrada na hindi maayos na napangangalagaan ang maraming pelikula na nagsasabuhay ng kasaysayan at kultura ng bansa.
“Dagdag pa riyan, maraming maipagmamalaking gawa ng ating mga kilalang filmmakers, kasama na ang mga pambansang alagad ng sining para sa pelikula, ang hindi napansin at naitabi ng maayos,” ani Estrada.
Ayon sa datos mula sa FDCP, sinabi ni Estrada na aabot sa humigit-kumulang na 65 porsiyento sa mga pamanang sining sa pelikula ang nawala o nasira na.
“Ang natitirang mga hindi pa nai-a-archive ay patuloy na nasisira. Nasa 2,000 sa tinatayang kabuuan na 8,000 na pelikula ang may natitirang kopya on film,” sabi ng senador.
“Nais tugunan ng panukalang batas na ito ang problemang ito sa pamamagitan ng pagtatag ng NFAP na magtitiyak na ang mga pelikulang Pilipino na bahagi ng ating kasaysayan at kultura ay mapangangalagaan at mapananatiling buhay sa ating kamalayan,” sabi ni Estrada.
Nakatakdang talakayin ang SB 1033 sa isang pagdinig sa Lunes, Hulyo 10, ng Senate Committee on Public Information and Mass Media kasama ang dalawang iba pang panukala ni Estrada – ang Senate Bill Nos. 1032, and 2250.
Ang SB 1032 o ang panukalang World-Class Filmmakers’ Incentives Act, ay naglalayong itaguyod at suportahan ang produksyon ng dekalidad at globally competitive na pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay insentibo at tax exemptions.
Sa kabilang banda, ang SB 2250 ay nagsusulong sa pagkakaroon ng physical at online festival para sa mga bagong dekalidad na pelikula at libreng pagpapalabas ng mga klasikong pelikula tuwing Setyembre. (Dindo Matining)