(ABANTE) Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang isang panukala na naglalayong ilibre na sa matrikula sa mga kawani ng gobyerno na kumukuha ng master’s degree sa mga state universities and colleges (SUCs).
Sa Senate Bill No. 2277, ang panukalang ‘Government Employees Free MA Tuition in SUCs Act’, nais ni Estrada na gawing libre ang tuition sa mga SUCs ng mga career at non-career na empleyado ng gobyerno na nais makapagtapos ng dalawang taon na masteral program.
“Ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa human resources ng bansa kaya’t importante na mabigyan sila ng mga oportunidad na maitaas ang antas ng kanilang edukasyon at kasanayan,” sabi ni Estrada.
“Sa pagpapahusay ng propesyonalisasyon ng mga empleyado ng gobyerno, mas magiging epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa publiko,” dagdag niya.
Sabi ni Estrada, may ilang ahensya na nagbibigay na ng scholarship grants tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Presidential Communications Office (PCO) sa mga kwalipikadong kawani na nagma-masteral.
“Marami empleyado sa ibang sangay ng gobyerno ang nagnanais na magpatuloy ng kanilang edukasyon para mapahusay ang kanilang personal na paglago, maisulong ang pag-angat sa kanilang karera at makapaglingkod sa publiko nang mas epektibo,” ayon sa senador.
Aniya, ang mga matataas na posisyon sa gobyerno na ibinibigay sa mga kawani na mayroong master’s degree ay upang masiguro na ang kawani ay may kakayahan sa pagganap ng kanilang responsibilidad at makagawa ng naayong mga desisyon para sa kanilang organisasyon.
Batay sa Inventory of Government Human Resources (IGHR) ng Civil Service Commission (CSC) noong Hunyo 30, 2022, mayroong kabuuang 1,820,457 na career at non-career employees sa gobyerno.
Ang gastusin sa pagkuha ng masteral degree ay nasa P800 hanggang P1,500 bawat unit o nagkakahalaga ng P19,000 hanggang P50,000 ang tuition para makakumpleto ng 24-unit program.
Para maging kwalipikado sa panukalang batas, ang mga non-career contractual government personnel ay dapat nasa serbisyo ng hindi bababa sa limang taon at pumasa sa entrance examination at iba pang admission at retention requirements ng SUCs.
Ang mga nagawaran na dati ng mga government-sponsored graduate education scholarships sa anumang higher education institution, pampubliko man o pribado, dito o sa ibang bansa ay hindi na kwalipikado. (Dindo Matining)