Jinggoy: Hindi ako ang papalit kay Zubiri

(ABANTE) Mariing itinanggi ni Senador Jinggoy Estrada na siya ang papalit kay Senate President Juan Miguel Zubiri sa gitna ng umuugong na pagpapalit ng liderato sa Senado sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo 24.

Bukod kay Estrada, may tsismis din na si Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang papalit sa Zubiri bilang susunod na lider ng Senado.

“Walang katotohan iyon [na ako ang papalit]. Pati ako nagugulat sa ganoong klaseng rumors. I’m not thinking of it kasi suportado naming si Sen. Zubiri,” pahayag ni Estrada sa panayam ng mga reporter.

Ayon kay Estrada, hindi niya alam kung saan nagmula ang naturang tsismis at wala namang plano o usapan na magkakaron ng pagpapalit sa liderato ng Senado.

“I don’t know where that came from. Walang ganoon, super majority are fully supportive of him (Zubiri),” saad pa ng senador.

“Wala at wala akong kinakausap, walang ganung plano,” dagdag pa ni Estrada.

Dagdag pa niya, maayos naman umano ang pamumuno ni Zubiri kaya malabong mapalitan siyang bilang Senate President.

“He [Zubiri] is okay, mataas ang rating ni SP at nadadamay ang Senado sa pagtaas ng rating, we are 2nd highest government institution,” sambit pa ni Estrada. (Dindo Matining)