(REMATE) SA Senate Bill No. 2249 na inihain ni Senator Jinggoy Estrada ay maaari nang maging voluntary contributor ang tinatayang nasa 166,000 na non-career employees na nasa pamahalaan sa GSIS o Government Service Insurance System.
Nais ng senador na amyendahan ang probisyon ng Republic Act No. 8291 o ang GSIS Act of 1997 partikular ang sections 13 at 13-A na ukol sa retirement benefits at sa condition of entitlement.
Sa kasalukuyan kasi, tanging career government employees lamang ang pinapayagang maging miyembro ng GSIS na kailangan ding makumpleto ang 15 years of service. Hindi kabilang ang mga nasa Judiciary at Constitutional commissions na saklaw naman ng hiwalay na retirement laws, ang mga contractual employees na walang employee-employer relationship, at ang mga nasa Military and Uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police.
Para kay Senator Estrada, hindi patas at makatarungan ang mga probisyon na nasa GSIS law.
Isinusulong niya ang panukala para makinabang ang mga nasa local government unit partikular ang mga tauhan ng mga umuupong mayor, vice mayor at mga konsehal na hanggang siyam na taon lamang ang magiging termino, parehas din ng mga congressional staff sa House of Representatives.
Gayundin aniya ang mga tauhan ng mga katulad niyang senador na mayroong dalawang termino na may anim na taon, pero papaano kung hindi manalo sa re-election. Isinama dIn niya ang mga nasa Office of the Vice President na hanggang anim na taon lamang nasa puwesto.
Nawawalan umano ng karapatan na magkaroon ng pensyon at iba pang mga benepisyo ang mga non-career personnel dahil nakabase sila sa kapalaran ng kanilang mga pinaglilingkurang politiko.